ISANG TAXI driver na nagsoli ng wallet na may lamang cash na US Dollars, Saudi Riyals at Philippine Pesos na may kabuuang halagang P85,335.00, UV Express driver na nagbalik ng Canon DSLR camera na nagkakahalaga ng P50,000.00 at isa pang taxi driver na nag-turn-over ng Sony Vaio laptop na may price tag na P30,000.00 ang ilan lamang sa mga tapat na driver na nabigyan ng Gawad Katapatan Award noong Biyernes, April 12, 2013, sa studio ng 92.3FM (Radyo5) sa TV5 Compound sa 762 Quirino Highway, San Bartolome, Novaliches, Quezon City.
Ang Gawad Katapatan Award ay regular na ginaganap sa programang Wanted Sa Radyo (WSR) para sa mga tapat na mamamayan na nagsoli ng mga pera at mahahalagang bagay na kanilang napulot para maibalik sa mga may-ari nito.
Sa tulong ng President at Chief Executive Officer ng TV5 na si Atty. Ray Espinosa, inilunsad ang Gawad Katapatan Award noong September 19, 2012. Sa kasalukuyan umaabot na sa 75 katao ang nabigyan ng prestihiyosong parangal na ito.
Ang mga kabilang sa 7th batch ng Gawad Katapatan Award ay sina: 1.) Alberto F. Cerbito ng Griffin Taxi na nagsoli ng wallet na naglalaman ng US Dollars, Saudi Riyals at Philippine Pesos; 2.) Enrique M. Velasco ng UV Express na nagsoli ng Canon DSLR camera; 3.) Jun Lazaro ng Lazaro Transport na nagsoli ng Sony Vaio laptop; 4.) Dennis D. Baldago ng Cord Taxi na nagsoli ng HP laptop; 5.) Armando C. Barcelona ng Parcon Taxi na nagsoli ng Samsung Galaxy Note; 6.) Allan P. Rivera ng Sunshine Transport na nagsoli ng Toshiba laptop at Nokia cellphone; 7.) Eduardo P. Arandia, Sr. ng Twasco Taxi na nagsoli ng Blackberry Curve; 8.) Mario T. Dongil ng God Bless Taxi na nagsoli ng Sony Ericsson Experia; 9.) Peligrino C. Plaza ng Tsieg’s Taxi na nagsoli ng Samsung Galaxy S; 10.) Roberto B. Leona ng Seabase Taxi na nagsoli ng Sony Digicam; 11.) Melchor P. Gonzaga ng Soundwave Taxi na nagsoli ng Samsung Galaxy Wonder; 12.) Edwin V. Gamez ng MGE Taxi na nagsoli ng wallet na may lamang P7,060.00.
Bukod sa medalya, ang bawat awardee ng Gawad Katapatan ay nakatatanggap din ng Certificate of Honesty, P500.00 cash mula kay Atty. Espinosa at gift packs mula sa mga product sponsor ng WSR.
Ang WSR ay napakikinggan sa 92.3FM, Radyo5, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00pm. Ito ay kasabay na napanonood sa Aksyon TV Channel 41.
Nais naming kunin ang pagkakataong ito para manawagan na rin sa mga taong nakaiwan ng cellphone at iba pang mahahalagang bagay sa taxi o UV Express na mangyari lamang subukang mag-inquire sa WSR tungkol sa mga unclaimed items na nasa Action Center ng WSR na maaaring pag-aari nila. Karamihan sa mga ito ay mga cellphone at laptop computer na may mga password. Tumawag sa tel. no. 410-7962 at hanapin si Michelle o Nica.
Shooting Range
Raffy Tulfo