KUNG ANG Korea may Samsung at ang United States ay may Apple. Pahuhuli ba tayo? Siyempre hindi. Dahil ang Pilipinas ay mayroong Torque, MyPhone, Cloudphone, Cherry Mobile, Star Mobile! Nakapa-proud nga namang tunay.
Alam naman natin sa ating mga sarili na ang layo ng mga diperensya ng mga locally-made phone sa mga cellphone na gawa sa ibang bansa tulad na lang ng sa Korea. Pero hindi naman din natin maitatanggi na atin na ring pinipilit makasabay sa matinding innovation na nagaganap sa mundo ngayon. Kung tutuusin konti na lang, ilang tumbling na lang at kaya na nating makasabay sa kanila.
Sino ba naman ang hindi makalilimot sa calculator-like cellphones na gawa ng Cherry Mobile. Tanda ko noon, sa halagang P999 lang, mayroon ka nang ganitong uri ng phone. Napaka-handy, cute at colorful nito. Safe pa dahil ewan ko na lang kung manakaw pa iyon dahil sa pagkaliit-liit, puwedeng-puwede itago kahit saan. At dahil mukha naman talaga itong calculator, hindi naman na ito pag-iinteresan ng iba. Puwera na lang kung wala siyang pambili at desperado na siya. Mula sa mga paganito-ganito lang ng Cherry Mobile, ngayon, naglalabas na rin sila ng mga android phone na dual sim na may camera, radio, memory card slot at may TV pa!
Isa sa patunay na konting panahon na lang kaya na nating makasabay sa ibang mobile manufacturers ay ang DQ500 ng Torque. Mukha bang pamilyar ito? Oo, puwede mo silang mapagkamalang kapatid ng Nokia E71! Lamang lang siguro ng mga sampung paligo ang Nokia E71. Pero hindi naman pahuhuli ang DQ500. Biruin mo, dual sim kaya ito! May 1.3 mega pixels (MP) compatible camera, video recorder at PC camera pa! Sa halagang P4,299.00, mapapasakamay mo na ito.
Kung may makikita kang android phone na halos kamukha ng Samsung Galaxy S4 na may mapa ng Pilipinas sa likuran ng cover, aba, MyPhone Duo A919i ‘yan! Ito ang latest gadget release ng MyPhone. Medyo may katagalan din bago sila naglabas ng bago mula sa pinakahuli. Pero mapapansin na talaga nga namang pinag-isipan at ginawang mabuti ang cellphone na ito. Sa nipis at laki na may sukat na 144 x 74 x 10.7mm at may 5-inch HD IPS display pa, mapagkakamalan mo nga itong Samsung S4. May 2 MP front at back camera, capacitive buttons at sensors din ito. Sa halagang P9,590.00, mayroon ka nang cellphone na halos hindi na rin naman nalalayo sa Samsung Galaxy S4.
Iilan lamang ito sa mga innovative cellphone na gawa sa ating bansa. Kung iisa-isahin, kulang yata ang isang buong dyaryo para rito. Pero sapat na rin ang mga naisulat ko rito para sabihing talagang ang bansang Pilipinas ay hindi napag-iiwanan at magpatatalo. Dapat nating ika-proud ito at asahan na sa konting panahon na lang, pati locally-made computers ay magagawa na rin ng mga Pinoy!
Para sa inyong mga komento sa at suhestyon, maaaring mag-email sa [email protected] o mag-text sa 0908-8788536.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo