SINAGOT NA RIN ni Mark Bautista ang matagal nang gay issue na ipinupukol sa kanya.
Hindi naman daw bago iyan sa mga male celebrity gaya niya kaya hindi na lang niya pinapansin. Pero ang inili-link siya kay Piolo Pascual ay unfair naman daw sa kanila.
Isa nga raw iyun sa mga dahilan kung bakit hindi na itinuloy ang Pop Icons nila nina Piolo, Erik Santos at Christian Bautista.
“Pero alam ko naman ang katotohanan kaya hindi na lang namin pinapansin. Iyon na lang ang pinakamabuting gawin dahil hindi naman totoo, eh,” pahayag nito.
“Bilib nga ako kay PJ (tawag kay Piolo)! Kung ikumpara sa isyu sa akin, wala lang ito sa mga pinagdaanan niyang intriga. Pero the best way raw is to ignore it at hayaan na lang,” patuloy nito.
Napapag-usapan daw nila minsan iyan, pero pinagtatawanan na lang daw nila. Pero minsan ay apektado rin daw siya dahil hindi pa rin siya sanay sa ganitong intriga.
Nagpapasalamat na lang si Mark kay Sarah Geronimo dahil ipinagtanggol naman daw siya nang kinunan ito ng reaksyon tungkol sa isyung iyan.
Ang magandang balita lang kay Mark, siya ang kinuhang endorser ng Mang Inasal at tamang-tama raw ito sa kanya dahil marunong siya magluto at gusto nga niyang matutunan ang pagluluto ng manok na may timpla ng Mang Inasal.
Tuwang-tuwa ang naturang singer dahil nakakapag-endorse na siya gaya nitong sa Mang Inasal.
NAGKAROON NG PRESSCON kahapon ang pamilya ng namayapang PA ni Richard Gutierrez na si Nomar Pardo pagkatapos iakyat sa korte ng Municipal Trial Court ng Cavite ang kasong Reckless Imprudence na isinampa ni Lorayne Pardo laban sa aktor.
Nagsalita naman si Richard tungkol sa kasong ito nang dumalo siya sa premiere night ng The Echo na dinirek ni Yam Laranas na siyang direktor ng pelikula niyang Patient X.
“Nalulungkot ako at hindi ko ini-expect na sa ganitong time ng buhay ko mangyayari ang ganitong klase ng kaso. But I just want to let everybody know that kahit nangyari ito ngayon it’s motivating and inspiring mo to work harder.”
Nakahanda naman daw silang harapin ito pero gustong iparating ni Richard na ilang beses naman daw silang nakipag-usap kina Lorayne at gusto nilang tumulong pero matigas pa rin daw sila.
Minsan ay sumagi rin daw sa isip ni Richard na baka merong malaking taong sumusulsol kina Lorayne na gawin ito sa kanila pero wala naman daw silang patunay kung sino ang mga ito.
Buo raw ang pamilya nila na harapin ito at nagpapasalamat siya sa lahat na naniniwala pa rin sa kanya at sumusuporta.
Ibig lang nitong linawin uli na hindi niya sinadya ang mga pangyayari at malinaw na aksidente iyun kaya ipaglalaban nila ito sa korte.
Nakausap din namin si Tita Annabelle pero tumanggi itong magsalita. Ayaw raw silang pagsalitain ng kanilang abugado, pero siyempre nandiyan ang lahat ng suporta nila kay Richard.
By Gorgy’s Park