TIYAK na masayang-masaya ang alkalde ng San Pablo, Laguna na si Mayor Vic Amante dahil nakatagpo siya ng isang napakasipag na katuwang sa buhay na tulad ni Gem Castillo. Abala si Gem or “Mayora Gem” sa iba’t ibang civic works and community services para sa kanilang mga kababayan sa San Pablo. Kabi-kabila din ang kanyang mga speaking engagement na kadalasan ay may bonus pang song number mula mismo sa kanya.
Sa mga hindi masyadong familiar kay Gem, siya ay dating member ng sikat na youth-oriented show na That’s Entertainment ni German “Kuya Germs” Moreno. Sa naturang programa nagsimula ang kanyang showbiz career bilang singer at artista. In fact, nakagawa pa nga siya ng album noon sa Ivory Records na ang mga kanta ay komposisyon ni Vehnee Saturno. Namayagpag din siya noon sa mga pelikula bilang leading lady ng mga action star.
For a time, nung aktibo pa siya bilang singer ay kami pa nga ang kanyang naging publicist o PRO. Pero sa hindi namin malamamang kadahilanan ay tinalikuran niyang bigla ang showbiz. Nawalan na rin kami ng komunikasyon.
Fast forward to 2022, nagulat kami nang makita ulit si Gem sa Facebook at malamang napakalayo na ng kanyang narating mula sa pagiging showbiz personality hanggang maging ina na siya ng mga taga-San Pablo. Magkaganun man, magbago man ang kanyang figure or vital statistics ay nananatili pa rin siyang humble at mapagmahal sa kanyang kapwa at higit sa lahat sa kanyang pamilya. At yon ang traits na nararamdaman din ng kanyang mga kababayan sa San Pablo.
Nananatili rin siyang inspirasyon ng maraming kababaihan. Just recently ay ginawaran si Mayora Gem ng Diamond Excellence Award dahil kabilang siya sa listahan ng Top 20 Inspiring Woman of the Philippines. Ang astig, di ba?
Part nga ng kanyang speech sa awarding ceremony na ginanap sa Okada Manila, “To be honest, I didn’t expect that anyone would notice my philanthropic works, especially in my hometown of San Pablo City, Laguna. Ang alam ko lang, kung meron man akong angking kabutihan, ay mas lalo akong naging mabuting tao o mamamayan dahil naging inspirasyon ko ang ama ng aking mga anak na si Mayor Vic Amante.”
Anyway, isa sa brain project ni Mayor Vic at Mayora Gem sa San Pablo ay iparamdam nang maaga ang diwa ng Pasko sa kanilang bayan sa pamamagitan ng Paseo de San Pablo. Dito ay makikita ang naggagandahang Christmas lights, decors and lanterns na magpapaalala na sa kabila ng dinanas na pandemya ay tuloy pa rin ang paggunita ng mga taga-San Pablo sa diwa ng Kapaskuhan.