TALAGA NGA palang matindi kung mag-entertain itong si Sgt. Dizon sa lahat ng mga nagi-ging director ng Southern Police District.
‘Yan ang ipinarating sa atin ng ating tawiwit sa loob mismo ng nasabing distrito.
Wala tayong magagawa, parekoy, siyempre gusto lang marahil ni Dizon na happy ang kanyang director!
Hindi po ganyan ang situwasyon bossing, giit ng tawiwit. Eh, mabuti sana kung sarili niyang pera ang ga-gamitin na pasalubong sa uupong si District Director C/Supt. Jeorge Regis.
Alam mo ba bossing na simula pa noong isang araw ay umiikot na si Sgt. Dizon sa mga putahan at hubaran dito sa nasasakupan ng SPD lalo na talaga sa mga gambling lord.
Ipinangangalandakan ni Sgt. Dizon na gaya ng panahon ni dating DD Gen. Delos Santos, siya (Dizon) pa rin daw ang collector ni Gen. Regis!
Anooooooo? Narinig mo po ‘yan, Gen. Regis, sir?
Aba eh, talaga nga palang sagad na hanggang buto ang pagkabaon ng mga iligalista sa SPD dito kay Dizon.
Mantakin mo, parekoy, hindi pa pala nakauupo itong si Gen Regis ay nakahanda na, ayon sa ating tawiwit ang mahigit P300,000.00 para umano sa lingguhang parating!
At kaya pala idiniskarte na si Gen. Regis nitong si Sgt. Dizon ay para masilaw nga naman si DD at nang hindi na ibigay sa iba ang posisyong hawak ni Dizon sa SPD sa napakatagal nang panahon. Ang pagiging collector!
‘Wag kang mag-alala, Gen. Regis, sir, tututukan ng ating tawiwit ang galaw ni Sgt. Dizon para hindi ka niya mabubukulan!
Tutal eh, mukhang hindi ka naman yata tatanggi sa lingguhan. Ehek!
SINADYA MAN o hindi ng Prosecution panel ng kongreso sa pangunguna ni Iloilo Rep. Niel Tupas ang pagprisenta sa Senate Impeachment Court ng mga pineke na bank documents, malabong makalusot itong si “small gentleman” sa panghuhusga ng publiko.
Maliwanag kasi, parekoy, na bilang hepe ng Prosecution team ay natural na alam ni Tupas kung ang nasabing dokumento na kanilang ipinatanggap sa Senado ay peke o genuine. Op kors, alam din niya kung sino ang salarin o source ng nasabing papeles.
Kung sakaling peke nga ito, aba eh, dapat lang na ibitin ng Senado nang patiwarik itong “small gentleman” dahil sa paglapastangan sa integridad ng impeachment court!
Kung sakali namang genuine ang nasabing mga dokumento, maliwanag na ito ay labag sa batas!
At klarado rin sa ating mga umiiral na batas na ang anumang ebidensiya na nakuha hindi sa pamamagitan ng legal na paraan ay matatawag na “fruit of a poisonous tree”.
Na kung susundan ang argumentong tinutumbok ng mga pagtatanong ni Sen. Jinggoy Estrada sa PS Bank Katipunan branch manager na si Ginang Tiongson, ay alam na kung sino ang salarin.
Ang pinsang-buo pala nitong si Tiongson ay naging running-mate ng tatay at kapatid ni Tupas noong 2007 at 2010 elections.
Meaning, mariing kaalyado ito ng mga Tupas sa pulitika sa Iloilo. At imposibleng hindi alam ng bank manager na si Tiongson ang bagay na ito dahil nagbigay pa pala siya ng campaign contribution sa kanyang pinsan!
Sa tingin ninyo, parekoy, sino ang salarin sa pagpupuslit mula sa bangko ng nasabing mga dokumento?
Alangan namang ako!!! Hak, hak, hak!!!
PAKINGGAN ANG aking programang ALARMA Kinse Trenta sa radio station DZME, 1530kHz, AM band (dulong-kanan ng talapihitan) tuwing alas 6-7 ng umaga, Lunes hanggang Biyernes. Mapapanood rin ito via live streaming sa www.dzme1530.com. Anumang reaction ay ipaabot lamang sa [email protected] o CP No. 09321688734.
Target
ni June Briones
[email protected]
09152121303