PALABAS NA sa piling digital movie streaming sites ang Pinoy black comedy film na ‘General Admission‘. Ito ay pinagbibidahan nina JC de Vera at Jasmine Curtis-Smith mula sa direksyon ni Jeffrey Hidalgo at panulat ni Dustin Celestino.
Napanood namin ang ‘General Admission’ dahil na rin sa rekomendasyon ng isang kaibigan. Ito ay kuwento ni Katja (Jasmine Curtis-Smith), isang sikat na dancer ng isang mala-Sexbomb Girls na grupo na nasangkot sa isang iskandalo habang umiindak sa live TV.
Dahil sa pagmamadali na sumalang sa stage ay hindi naiwasan na tagusan ito sa harapan ng publiko. Damay dito ang kanyang boyfriend na si Carlito, dating childstar na nagbabalak na buhayin ang kanyang showbiz career.
Dahil sa ‘pagdurugo’ ng dalaga ay marami na ang nakisawsaw sa isyu, na kung tutuusin ay napakasimpleng sitwasyon na nangyayari naman talaga sa mga kababaihan. Ang nangyari ay ilang news outlets ang nag-interview sa dalaga at dinamay ang dyowa at pamilya. May mga sawsawerong judgmental at matatawa ka na lang dahil tila mga caricatures ng ilang TV and radio personalities ang mga karakter na ginampanan nina Nanette Inventor, Archie Adamos at Mailes Kanapi.
Sa mundo ngayon na madaling magviral ang mga dapat sana’y pribadong bagay-bagay, hindi maiiwasan na mas maraming tao ang napapasama. Kahit ang mga inosente ay nadadamay. Ang iba naman ay gagawin ang lahat para lang ma-exploit ang mga taong puwedeng ikataas ng views and ratings nila. S’yempre, ibig sabihin din n’yan ay mas malaking pera ang papasok.
Kamakailan lang ay may mga TikTok at YouTube influencers na nagviviral dahil sa paglabas ng kanilang mga personal na isyu sa publiko. Mapapaisip ka na lang kung ano nga ba ang mga ‘dirty laundry’ na kayang ilabas ng tao for the sake of views?
Palabas pa rin ang General Admission sa KTX.PH, Upstream.PH at IWantTFC.