ALAGANG SERYOSO AT puspusan ang Bureau of Customs (BOC) – sa pamumuno nina Commissioner Ruffy Biazon at Deputy Commisioner for Intelligence General Danilo Lim – sa pagsugpo sa mga katiwalian sa BOC.
Pagkaraan ng isang linggo nang maupo si Lim sa puwesto, kaliwa’t kanan na agad na mga misdeclared na kargamento ang naalerto ng kanyang grupo na nagkakahalaga ng milyun-milyong piso sa mga pier sa Metro Manila at Davao.
Ngunit hindi lang mga smuggler masigasig si Lim na tugisin kundi maging ang mga name-dropper. Nakapanayam ko si Lim sa programang WANTED SA RADYO (WSR) sa 92.3 FM (Radyo5) kamakailan. Sa panayam na iyon, inilatag niya ang kanyang mga plano at programa para sa BOC. Kasunod niyon, nagbigay siya ng babala sa mga taong gagamit sa kanyang pangalan para maisakatuparan ang kanilang mga kalokohan. Hinikayat din ni Lim ang inyong SHOOTING RANGE na makipagtulu-ngan sa bureau na tugisin ang mga smuggler at name-droppper.
Pagkatapos ng nasabing panayam, kinabukasan, isang sumbong ang ipinarating sa WSR na isang grupo na kinabibilangan umano ng isang army colonel at ilang mga sibilyan ang umiikot sa BOC at humihingi raw ng tara na P5,000 hanggang P10,000 kada container sa mga importer at broker. Nagpapakilala ang grupo na kunektado raw sila kay Lim.
Nang matanggap ko ang impormasyon, agad akong nakipag-ugnayan kay Lim at ibinato ko sa kanya ang pa-ngalan ng nasabing army colonel pati na ang mga kasamahan nito. Nagpasalamat si Lim sa natanggap niyang impormasyon at nangakong ipapa-aresto niya ang grupo sa mga tauhan niyang customs police kapag naaktuhan.
At totoo nga sa kanyang salita, pagkalipas ng ilang araw, Biyernes, inaresto ng mga operatiba ng customs police ang ilang taong nagtatangkang humingi ng tara sa mga broker na napag-alamang kasama sa grupo ng nasabing colonel.
Isa ako sa masugid na tagahanga ni Lim dahil sa kanyang prinsipyo at paninindigan kontra katiwalian. Unang nakilala ang pangalan ni Lim nang sumama siya sa tinaguriang Oakwood Mutiny bilang pagpapakita ng suporta sa kasundaluhan na biktima ng malawakang kurapsyon – sira-sirang boots, paso na mga bala at mga mumurahing military supplies na nilobo ang presyo na ilan lamang sa ibinulgar ng grupo ni Lim sa nasabing pag-aklas.
Ang mismong Commander-in-Chief niya ng mga panahon na iyon – si Gloria Macapagal Arroyo – ang kanyang binangga sa ngalan ng prinsipyo. Dahil doon nagtiis siyang makulong ng mahigit pitong taon.
Nang mabalitaan ko noong nakaraang eleksiyon, na tumatakbo sa pagka-senador si Lim, bagamat hindi ko siya kakilala at nababasa’t napapakinggan ko lamang ang kanyang pangalan sa media, hindi ako nag-atubili na suportahan ang kanyang kandidatura dahil sa aking paniniwala na siya ang magiging fighter sa Senado laban sa kurapsyon tulad ni Sen. Panfilo Lacson.
Kanina, isa na namang impormasyon ang natanggap ng WSR. Ito ay tungkol sa isang itinuturing na godfather ng mga smuggler na nagyayabang sa kanilang mga kliyente na may kuneksiyon daw siya sa isang malapit na kababayan ni Lim sa Solano, Nueva Vizcaya. Ito ay para makahikayat pa siya ng mga karagdagang kliyente. Ang taong ito ay isang dating barangay official sa Muntinlupa. Kasama niya sa grupo ang kanyang mga anak na lalaki. Itinext ko na kay Lim ang impormasyon.
Shooting Range
Raffy Tulfo