General Luna sa Panahon Ngayon

PAANO NGA ba dapat sukatin ang pagkabayani ng isang Heneral Luna? Hindi man nagkaroon ng pagtatampok sa katauhan ni General Luna sa mga aklat ng kasaysayan gaya ng kasikatang ibinigay kina Dr. Jose Rizal, Mabini, at Aguinaldo, tila umalab naman ang damdamin ng mga Pilipino ngayon dala ng kasikatan ng pelikulang Heneral Luna. Masasabi kong epektibo talaga ang film bilang isang medium para magpaalam, magturo at magmulat sa mga tao.

Maraming mga isyu at kontrobersiya ang iminulat ng pelikulang ito sa mga Pilipino sa panahon ngayon, ngunit kasabay din nito ang paglalapat ng mga kontrobersiya sa panahon noon sa kasalukuyan. Maraming mga lider ng bansa ang natulad sa yapak at katapusan ni Luna. Si Ninoy Aquino ay brutal ding ipinapatay ng kapwa niya Pilipino at magpahanggang ngayon ay isang misteryo pa rin ang buong katotohanan sa likod nito. Si Pangulong Emilio Aguinaldo, ng Philippine revolutionary government, nga ba ang utak ng pagpatay kay General Luna? O si Paterno at Buencamino ang nagplano nito dahil may interes din sila sa pulitika?

Gayun din ay patuloy na itinatanong sa panahon ngayon, kung si dating Pangulong Ferdinand Marcos, sa ilalim ng kanyang diktaduryang rehimen, nagpakulong at humatol ng parusang kamatayan gamit ang martial court, din ba ang nagpapatay kay Ninoy Aquino? O si Imelda Marcos at Danding Cojuangco ang nagplano nito dahil may interes din sila sa pulitika? Gaya ng katotohanan sa pagpaslang kay Luna na naibaon sa katandaan ng kasaysayan, hindi sana sapitin ng kaso ni Ninoy ang parehong tadhana. Nakalulungkot na 2 Aquino na ang naging pangulo ng bansa, ang asawa ni Ninoy na si Cory at anak nitong si Noynoy, ang kapwa naging pangulo ng Pilipinas ngunit kapwa ring walang nagawa para mailabas ang buong katotohanan. Dahil ba isang kapamilya ng mga Aquino at Cojuangco ang sinasangkot dito?

MADALING MAKALIMOT ang mga Pilipino. Tila totoo nga ang kaisipang ito kung pag-aaralan natin ang kasaysayan at takbo ng pulitika ngayon. Madali nating napatatawad ang mga dating nang-api sa atin at nakagawa ng kasalanan. Sa kabila ng mga nagawang kataksilan ng ilang mga lider at pulitiko ay patuloy silang tinatangkilik ng mga tao at iniluluklok sa kapangyarihang minsan na nilang inabuso. Kahirapan ba ang dahilan kaya nilulunok ng mga tao ang pait ng kasaysayan dahil kailangan nilang mabuhay at paunlarin ang mga sarili? Maraming magagandang prinsipyo ng katapatan at pagka-makabayan ang inaapakan ng mga lider natin at maging ang mga mamamayan dahil sa pansariling mga interes.

Ang mas malaking kalaban ng mga Pilipino, ayon sa pilosopiya ni General Luna, ay ang mga sarili natin. Pilipino laban sa Pilipino at Pilipino laban sa sarili niya. Napakagandang aral nito na tila magpahanggang ngayon ay hindi natin natututuhan. Bakit ba ang kontrobersiya sa pagpapapatay ni Aguinaldo kay Bonifacio ay patuloy na isang misteryo ng kasaysayan? Ang malinaw para sa mga naniniwala rito ay ang pagkaganid sa kapangyarihan ang dahilan sa lahat ng ito. Ilang pinuno ba ng ating bansa ang ganid sa kapangyarihan? Tila hindi na natin kayang bilangin sa kamay o baka halos walang matino sa kanilang lahat. Hindi na bago ang kuwento ng pagtataksil at katrayduran sa ating bayan ng mga pinuno at lider. Marami na ring mga makabayan ang ipinapatay at walang katarungang nakamit hanggang sa panahon ngayon.

Ang pagkamatay ng mga sundalo ng Special Action Force (SAF) sa kamay ng mga sundalo ng MILF ay maaari ring ilagay sa sitwasyong sinapit ni General Luna. Inakala ni General Luna na kakampi ang mga kawal ng Cavite, ngunit lingid sa kaalaman niya ay ang mga kawal na ito rin ang papatay sa kanya. Sa parehong pagtataya, habang iniisip ng mga SAF commandos na kaibigan at kakampi nila ang mga sundalo ng MILF, dahil sa nagaganap na usapang Bangsamoro at BBL, sa mga kamay rin ng mga kawal ng MILF namatay ang tinaguriang “Fallen 44”. Nakapangingilabot na halos sa kaparehong brutal na paraan din pinatay si General Luna at ang “Fallen 44”. Parehas silang binaril nang malapitan sa mata, ulo. at puso. Parehas din silang pinagtataga hanggang mamatay sa hirap.

MAY GENERAL Luna pa kaya sa panahon ngayon? Isang taong lubos ang katapangan at hindi natatakot mamatay. Isang lider na may prinsipyo. Isang lider na magaling magdisiplina gamit ang kamay na bakal. Isang pinuno na may paninindigan. Sino ba ang taong ito sa panahon ngayon? Sa tingin ko ay si Mayor Duterte ito. Siya ay mahusay magdisiplina sa mga taga-Davao gamit ang kanyang tapang at kamay na bakal. Walang gaanong krimen at mga pasaway sa kalsada. Mahusay ang daloy ng traffic dahil marunong sumunod sa batas ang mga tao sa Davao. Kaya naman isa ang Davao sa mga pamayanan sa buong mundo na matahimik at mapayapang tirahan.

Si Mayor Duterte, gaya ni General Luna ay may prinsipyo at paninindigan. Hindi siya nagpapadala sa sulsol ng mga tao sa kanyang paligid. Pinahahalagahan niya ang mga salitang kanyang binibitawan at isinasabuhay ito. Matalino at mahusay na lider si General Luna. Matalino at mahusay na lider si Mayor Duterte. Si Mayor Duterte sa aking pagtingin ang General Luna sa panahon ngayon!      

 

Ang Wanted Sa Radyo ay napakikinggan at napanonood sa 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm. 

Ang inyong lingkod ay napanonood din sa Aksyon Sa Tanghali sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 11:30 am-12:00 nn. 

Panoorin ang T3: Alliance sa TV5 tuwing Sabado, 4:30 pm. 

Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-878-8536 at 0917-792-6843.   

Shooting Range
Raffy Tulfo

Previous articlePuwede bang alisan ng mana ng isang lehitimong anak?
Next articleDirek… cut!

No posts to display