Gerald Anderson, ‘di nakalilimot kahit sikat na

KINAKABAHAN NA AKO kapag si Aaron Domingo na dati naming kasamahan sa Philippine Movie Press Club na ngayon ay PRO na sa ABS-CBN ang nagte-text sa akin para mag-imbita ng presscon. Kasi, pansin ko na lagi na lang may kakambal na bulilyaso. Noon kasi, inimbita niya ako para sa presscon ng Imortal nina Angel Locsin at John Lloyd Cruz. Nagre-remind siya tungkol sa araw ng presscon. Nagpalit ng schedule, hanggang sa nawala na lang bigla. Okey lang. Kahapon naman, nag-imbita bigla para sa presscon ng My Binondo Girl ni Kim Chiu.

Gano’n? Ura-urada, 7:45 ng u-maga nag-text, papuntahin ako ng ABS-CBN ng 10:00 AM, at alas-onse daw ang presscon na gaganapin sa Golden Bay Restaurant near Mall of Asia.

Kapamilyang Aaron naman, alam mo namang taga-Batangas ako at sasakay pa ako ng bus para magbiyahe. Wala kasi akong pakpak para liparin ang ABS para alas-diyes ng umaga ay bonggang-bonggang nasa Kapamilya Network na ako, ‘noh! Ang lupit mo, Aaron!  Wala man lang bang gaya ni Tita Emma Guevarra, na nagte-text 5, 4 or 3 days before ganapin ang presscon para hindi ngaragan? Nakaka-miss ka ring makita at makatsika, Kapamilyang Aaron, ganu’n din si Kim, na napakatotoong tao kausap kapag iniinterbyu sa presscon. Hayan, hindi na lang ako um-attend sa presscon mo.

SIMULA NU’NG PRESSCON ng Globe Prepaid na ginanap sa ELJ Building ng ABS-CBN ay kuwelang hindi ko na makakalimutan si Ge-rald Anderson, dahil nagpakita siya sa akin ng magandang ugali. Mag-flashback lang muna tayo:  Pagkalabas ni Gerald ng Pinoy Big Brother, sanay na kami ng kasama sa panulat na si Alex Datu na lagi siyang nakakasalubong sa bakuran ng Dos nu’ng nag-a-acting workshop pa lang siya, dahil pasisikatin na nga ng Dos.

Nagkakabatian siyempre kami. Guwapo na siya noon, kahit nakukulangan ako sa mga dati niyang suot pamporma.  Parang hindi mamahalin, kasi nga, hindi pa siya sikat nu’ng time na ‘yon.

Nang sumikat si Gerald at laging pinagkakaguluhan, hindi na kami madalas magkita, lalo pa’t asiwa akong makiusyoso sa mga artistang dinudumog. Matagal na kaming hindi nagkikita at nagkakausap ni Gerald. Nu’ng nakaraang Huwebes, nagkasabay kami ni Gerald sa elevator patungo sa 14th floor ng ELJ Building. Sinusulyapan ko siya, pero hindi ko siya binati. Pero habang tinititigan ko siya nang palihim, ito ang aking naiisip: “Hindi na bagets si Gerald.

Lalong gumuwapo ang bruho! Mama na siya, at leading man material na talaga. Nagbago na ang katawan niya, mas lalong gumanda. Wala na ang mga bilbil, puro abs na!”

Nagulat na lang ako. Bigla akong nilapitan at kinamayan ni Gerald, sabay sabing: “Hi, po! Saan po kayo pupunta?” Sabi ko naman: “Sa taas, presscon ni Vice Ganda!” pero walang sinabi si Gerald, na kasama pala siya sa presscon, dahil siya na ang bagong endorser ng nasabing kumpanya. Nagkatawanan sa presscon, dahil wala naman pala roon si Vice Ganda.  Ipinangalandakan pa ni Gerald sa microphone, na nakasabay niya ako sa elevator. Me gano’n? Bilib ako sa mga artistang hindi nakakalimot kahit mga sikat na sila. Dahil d’yan, love na kita bigla, Gerald!

PERSONAL: HAPPY BIRTHDAY kay Aga Muhlach. Napakabait niyang tao, kaya wala tayong mahihiling para sa kanya, kundi magpatuloy pa ‘yung kaligayahan niya sa piling ng inspirasyon niyang pamilya kasama ang kanyang wife na si Charlene Gonzales at ang kanilang mga anak na sina Atasha at Andres Muhlach.

ChorBA!
by Melchor Bautista

Previous articleMaking habol sa Rampahan
Next articleFashion style ng mga Tween Hearts Girls!

No posts to display