NAKAKAINIS. BA’T BA naluha kami habang pinanonood ang full trailer ng Budoy ni Gerald Anderson? Lalo na sa ending kung saan nagyakap sila ng umakong nanay niya na si Janice de Belen. Nangilid ang luha namin.
Parang ang sarap-sarap nitong panoorin, sa totoo lang. Advocacy-serye pala ang tawag nila rito kung saan napaka-sensitive ng tema ng naturang teleserye. Si Gerald bilang mentally-challenged, pero may mabuting puso.
Naka-relate kami kay Janice de Belen. Nu’ng araw kasi, gano’n din kami kalusog.
HAHAHA! JOKE LANG namin ‘yon sa Twitter, but honestly, iba. Ibang Janice de Belen ang mapapanood n’yo rito sa Budoy. Na sabi nga ni Janice, “Hindi ako nahirapan, dahil to begin with, isa akong ina. At si Budoy ay isang batang masarap mahalin, alagaan kahit pa siya ay isang special child.”
Sa Lunes na ito sa Primetime Bida.
Aba, teka nga munit. Ano ‘to? After ng My Binondo Girl ni Kim Chiu, eh, teleserye na ni Budoy? Ng ex-boyfriend ni Kim?
Kaninong serye kaya ang hahataw nang bonggang-bongga sa ratings?
Honestly, bigla naming na-miss umarte sa teleserye. Huling nilabasan namin (parang ang bastos ng dating – nilabasan) ay ang Mutya kung saan ni-launch si Mutya Orquia. Tumagal lang ‘to ng 14 weeks.
At kung si Janice de Belen ay nakabalik bilang Kapamilya, kami naman na 19 years na bilang Kapamilya, makabalik kaya kami? Chos!
Ang lakas maka-bida ng ilusyon namin. Hahahaha!
PARANG OA NA ‘yung reaksiyon sa yosing hawak ni Ate Guy nu’ng piniktoryal ng Yes Magazine. Parang nag-a-advertise daw ng yosi.
Sa aming palagay, hindi naman bobo ang mga makakakita no’n, eh. Knowing karamihan sa Pinoy na matitigas ang ulo? ‘Pag gusto nilang magyosi, walang makakapigil sa kanila. Ipinagbabawal na nga ang paninigarilyo in public, nakakagawa sila ng paraan, eh.
Ang importante lang naman ay as long as alam mong masama ‘yon sa kalusugan, lalo na sa kalusugan ng makakalanghap ng usok mula sa buga mong hayup ka (teka, na-highblood naman ako this time), eh, gawin mo kung ano’ng gusto mo.
Pagdating naman kay Ate Guy na humingi pa talaga ng sorry at nangakong iiwasan nang magyosi, good luck, Ate Guy. Sana, totoo ‘yang sinabi mo.
Dahil kahit hindi ka TV host, hindi ka reporter, at stake ang credibility mo.
At malay naman natin kung tototohanin ni La Aunor, ‘di ba? Eh, ‘di bongga.
HAY, SALAMAT AT tapos na ang UAAP. So, balik-E Live na po bukas, Saturday after Happy, Yipee, Yehey!, kung saan bongga ang aming set at nakakalokah rin ang mga pasabog na balita.
Kung mapapansin ninyo, bagets na bagets ang bihis ng show, dahil ang karamihan sa audience ng E Live ay mga bagets at young at heart, ‘ika nga.
Pasensiya na’t wala na munang blind item, dahil susubukin muna namin ang ibang klaseng segment. Alam n’yo naman ‘pag nagba-blind item ka, praning na ‘yung iba. Hindi naman sila ang tinutukoy, inaako nilang sila ‘yung blind item.
Eh, ang bait-bait na nga naming mag-blind item lately, ‘di ba?
Oh My G!
by Ogie Diaz