SA LUMABAS na balita na nag-helicopter pa raw sina Gerald Anderson at Maja Salvador papuntang Tagaytay para sa Valentine’s date nila, patunay lamang ito ng binitawnag salita sa amin ng aktor na siya ang tipo ng tao na araw-araw gusto niyang ipinararamdam sa taong mahal niya na mahal niya ito at isa ito sa pinakaimportanteng tao sa buhay niya.
Sa simula pa naman, kilala nang galante pagdating sa kanyang mga nagiging girlfriends si Gerald. Kung matatandaan ay ‘di biro-biro ang halaga ng mga regalo dati nina Gerald at Kim sa isa’t isa, may okasyon man o wala.
Ayaw mang pag-usapan pa nang ganu’n kalalim ang balitang espesyal na relasyong namamagitan sa kanila ni Maja, maigsi pero malalim ang binitawang salita sa amin ng aktor na hindi naman sila magsasama ng aktres kundi nila ine-enjoy ang company ng bawat isa.
Hiningan namin ng reaksyon sa sinasabi ng maraming tao na playboy raw siya at heartbreaker, kung saan ilan lang daw sa nasaktan niya ay sina Kim at Sarah Geronimo, ayon kay Gerald ay lagi niyang pinu-prove ang kakayahan niya bilang isang aktor at bilang isang performer at araw-araw ay hinahanapan niya ito ng improvement, pero bilang isang tao ay alam niyang wala siyang kailangang patunayan sa kahit na kanino.
Para kay Gerald hindi mo maipapakita ang katatagan mo bilang isang tao sa mga tagumpay mo, kundi kung paano mo hinahawakan ang mga hamon, mga intriga at pagkabigo sa buhay.
Sa isyu namang siya ang pinag-ugatan ng away sa pagitan nina Kim at Maja, para kay Gerald ay sinagot na niya ang tungkol dito. Hahaba lang ito gayong patapos na ang isyu. Nagbigay-pahayag din ang aktor na bigyan natin ang mga sarili natin at ang mga taong involve na gamutin ang mga sugat sa nangyari at huwag nang pahabain pa ang isyu.
Aminadong bilang tao ay nasasaktan siya mga masasakit na mga sinasabi, ito ang rason kung bakit wala siyang Twitter account kung saan bukas na bukas ang isang artista sa bashers nila. Mayroong Instagram, sa paminsan-minsang mga negatibong reaksyon na nababasa niya pa rin ay pinipili ni Gerald na huwag na lang sumagot at isipin na hindi dapat pag-aksayahan ng panahon ang mga negatibong bagay.
Sa ngayon, busy sa taping ng Bukas Na Lang Kita Mamahalin at tapos na sa shooting ng On The Job movie, kasama sina Piolo Pascual at Rayver Cruz, masaya si Gerald na nominadoa ang serye niyang Budoy sa darating na New York Festival.
SA AMIN, mas sang-ayon kami na mas dapat ipag-produce ang OPM artists natin kaysa sa nagbabayad pa ng malaki ang mga producer natin para lang kunin ang international singers na mag-perform sa bansa. Magandang sensyales na kumita ang Valentine concert na Foursome nina Martin Nievera, Pops Fernandez, Regine Velasquez at Ogie Alcasid at may repeat sa darating na March 16.
Naiintindihan namin ang hinaing ng OPM artists natin sa prayoridad ng marami nating concert producers na mas unahin pang ipag-prodcue ng shows ang foreign artists kaysa sa mga mahuhusay nating mga mang-aawit.
Balita na marami na sa concerts ng foreign artists ang ‘di na masyadong kumikita at tinatangkilik nating mga Pilipino. Sana bago bigyan ang banyagang performers, mas una nating tangkilikin ang OPM singers na kung husay at galing lang ay ‘di mo naman talaga matatawaran.
Maiba Lang
By MELBA R. LLANERA