MALAKING sagabal sa TV and movie industry natin ang malawakang community quarantine na sanhi ng Coronavirus. Dahil dito, suspendido ang ilang TV and movie productions. Higit na naapektuhan dito ay ang mga programa na karamihan ay for airing ang kanilang episodes.
Simula ngayong gabi, hindi muna natin mapapanood ang Pamilya Ko ni JM de Guzman, FPJ’s Ang Probinsyano ni Coco Martin, Make it With You nina Enrique Gil at Liza Soberano at A Soldier’s Heart ni Gerald Anderson. Bilang alternatibo, ang ilan sa mga classic programs muna ang magkakaroon ng reruns.
Muling mapapanood ang 100 Days in Heaven, May Bukas Pa at On the Wings of Love. Sure kami na ang mga original OTWOListas na nainlab sa tambalan nina James Reid at Nadine Lustre ay more than happy sa pagbabalik-primetime ng kanilang minahal na tambalan.
Ang pansamantalang papalit naman sa timeslot ng programang ‘A Soldier’s Heart‘ ni Gerald Anderson ay ang iWant Originals digital series na ‘I Am U’ na pinagbibidahan ni Julia Barretto with Tony Labrusca na mula sa direksyon ni Dwein Baltazar.
Fresh na fresh pa sa online platform ang nasabing digital series na inilabas noon lamang February 26. Marami ang pumupuri sa suspense-thriller series na ito at marami ang nagsasabi na bongga talaga ang performance ni Julia Barretto rito. Maliban sa kanyang dramatic scenes ay pumayag na rin ito na gumawa ng ilang kissing scenes with her new onscreen partner Tony Labrusca. Masisilip ang patikim sa halikan ng dalawa sa trailer ng programa:
Ang episodes ng ‘I Am U’ ay mapapanood starting tonight hanggang sa Friday. Mabuti na rin na ang ‘I Am U’ ang ipalabas pansamantala para maging aware din ang ordinaryong mamamayan na may digital platform ang ABS-CBN na nakakapagprodyus ng matitinong mini-series sa internet. Kung kami ang tatanungin, swak din na ipalit muna sa timeslot ang Bagman Season 1 and 2 ni Arjo Atayde with Carlo Aquino (na bida rin sa ‘A Soldier’s Heart), Manilennials nina Ria Atayde, Chai Fonacier at Fifth Solomon, Uncoupling nina Yam Concepcion at Joseph Marco o ang My Single Lady nina Jodi Sta. Maria, Zanjoe Marudo at Ian Veneracion. Tutal, kailangan ng madlang pipol ngayon ng pampa-goodvibes na programa na hindi dadagdag sa pang-araw-araw na suliranin. Kailangan natin ng panandaliang aliw.
Magandang ideya rin na ipalabas na lang din nila ang ilan sa mga iWant Originals films tulad ng Momol Nights, Mga Mata sa Dilim, Silly Red Shoes, Wild Little Love at Ang Babae sa Septic Tank 3.
Pahabol Lang: Available na rin sa iWant ang controversial ‘Between Maybes‘ nina Gerald at Julia. Ayown!