Isa si Gerald Anderson sa mga pinakatotoong tao sa hanay ng mga pinasikat na artista ng ABS-CBN at ng Star Magic na produkto ng Pinoy Big Brother. Siya ‘yung tipo ng aktor na ‘pag may problema sa lovelife, hindi kayang maglihim dahil nabubuking. Hindi niya kayang magtago ng kanyang nararamdaman, dahil umaamin siya at lumalabas iyon sa kanyang mga kilos at pananalita.
May paninindigan din kasi siyang talaga. Tanggap niya noon na sa paghihiwalay nila ni Kim Chiu ay mabubuwag ang love team nila, at magkakaroon ng pagbabago. Tiniis niya na medyo kumonti na ang raket na dating para sa kanila ni Kim, lalo pa’t nag-click ang pagpapareha ng tsinitang aktres kay Xian Lim. Kahit na ganu’n ang nangyari, hindi rin nawala ang pagtanaw ng utang na loob ni Gerald Anderson sa nagawa ng love team nila ni Kim para sa lalo pang pag-init noon ng kanyang popularity.
Pero pinatunayan ni Gerald na makakaya rin niya kahit wala na ang Kimerald love team. Pinaghusayan niya ang kanyang akting. Seryosong aktor na ngayon ang pagkilala sa kanya sa showbiz. Walang maitim na buto sa katawan si Gerald. Happy siya sa love team nina Kim at Xian. Totoo rin siya sa kanyang sarili nang purihin niya si Xian sa pagkakasali ni Lim sa project kasama si Governor Vilma Santos-Recto. Wish niya talaga niyang makasama sa tamang project ang mommy ni Luis Manzano.
HANDANG-HANDA NA ang Philippine Movie Press Club (PMPC) sa pagkakaloob ng mga natatanging parangal para sa 32nd PMPC Star Awards for Movies. Gaganapin ang awards night sa March 6, 2016, 7 PM sa Newport Performing Arts Theatre, Resorts World Manila, Pasay City. Sobrang class ang venue, kaya hindi na siguro mauulit ang kaguluhan na nangyari noon sa Kia Theater sa Cubao nang ganapin ang Star Awards For Television noong December 2015.
Kapag may awards night ngayon, nakaaawa na rin ang nararanasan ng mga artista mula sa mga fans na sa sobrang kasabikan ay grabe kung dumaluhong at dumumog sa mga dumarating na artista. Para bang dahil mayroon na silang cellphone camera o tablet ay pasaporte na talaga iyon para kapag lumapit sila sa mga artista ay ihahatag na lang ang mga camera at picture-taking na. Wala na ‘yung pagrespeto na magalang muna silang makiusap sa mga artista.
Noong ganapin ang Star Awards sa Kia Theater, ibang klase na ang mga fans. Mga wala na silang galang. Habang humahawan ang event marshall, parang wala lang sa kanila, basta makadumog sila sa mga artista. Nagkagulu-gulo na talaga, dahil hindi na nababantayan ang mga fans na nakalalapit na sa upuan ng mga artista, kaya wala na ring magawa ang mga artista. Nakisali na rin kami noon sa paghahawi ng mga fans na dumudumog kay Alden Richards, at talagang nasaktan na kami.
Habang pinoprotektahan si Alden Richards, natanaw ko naman si Anne Curtis sa kanyang upuan, na parang nahihirapan na dahil napakaraming fans sa likod ng kanyang upuan na nagpapa-picture sa kanya. Halos mabali na ang leeg ni Anne, kaya para matahimik na lang siya, ako na ang pumuwesto sa upuan sa kanyang likod para mahinto ang pagpapa-picture at magsialisan na ang mga fans na makukulit. Sana lang talaga, maprotektahan ang mga bisitang artista sa awards night, na hindi sila malalapitan at basta magagambala ng mga fans sa kanilang kinauupuan.
ChorBA!
by Melchor Bautista