OLA CHIKKA na naman tayo to the maximum authority of chikka kaya hala bira!
Last Saturday sa a-king program sa DZRH at RHTV, biglang bumulaga ang aking idol na si Gerald Santos at masayang nakipag tsikahan sa amin nina Lady Ivy at Joel Mendoza na guest din namin mula nu’ng may nangyari sa kanya na aksidente at kalalabas lang mula sa hospital dahil siya ay na-holdap nu’ng nag-withdraw siya sa ATM.
Nakakatuwa kasi tuwing dadalaw sa akin si Gerald, laging surprise at maraming dalang bagong balita sa kanyang career, kasama ang kanyang manager na si Cocoy Ramilo.
Kaya nasabi kong idol ko ito, kasi mula nu’ng nag-uumpisa pa lang ito sa GMA-7, batang bata pa ito at lagi kong inaabangan. Mapalad na siya ang nanalo sa grand finals ng 1st Pinoy Pop Superstar. Kaya para sa akin, siya ang Pop Superstar Prince, at siya rin ang tinagurian kong a man with a many voices.
Kasi napanood ko minsan sa isang show na marami ang nagagaya niyang boses tulad nina Martin Nievera, Gary Valenciano, Ogie Alcasid, Mark Bautista, Christian Bautista, Jed Madela, kahit ang mga baduy na sina April Boy Regino at Eddie Peregrina (RIP). Kaloka, kasi hindi lang gaya ang boses nila, pati kilos at kung pano mag-perform ang mga ito ay gayang-gaya ni Gerald Santos. Pero siya ay may sarili ring style at talagang napakagaling niyang kumanta.
Nagtataka lang ako, bakit mabagal ang pagsikat ng batang ito mula nang magkaroon ng kontrobersiya sa Channel 7 at lumipat sa Channel 5, na parang wala namang nakikita akong suporta sa nasabing station.
Sabi ko nga kay Cocoy, bakit hindi mo dalhin sa Star Records at Channel 2, kasi doon siya nababagay. ‘Di ba si Sarah Geronimo na isa ring produkto ng singing contest, lumipat sa Channel 2, maganda ang ginawa sa kanya at tinagurian siyang Pop Princess?
Kaya calling the attention of Kuya Boy Abunda, at Deo Edrinal ng Dos, sana sa mga darating na araw, makita ko na si Gerald Santos sa Channel 2.
May concert ni Gerald, ang tinaguriang Prince of Ballad ng local music industry sa April 30 sa Music Museum na inaasahang pinakamalaki at pinakabonggang concert niya bilang pag-celebrate ng kanyang 7th anniversary sa showbiz.
Makakasama ni Gerald sa concert na pinamagatang The Prince of Ballad Soaring High sina Ruffa Mae Quinto, Arnell Ignacio, at si Joel Mendoza na may special participation. Ang concert ay mula sa konsepto, panulat at direksyon ni Cocoy Ramilo.
Muling matutunghayan ng mga manonood ang kakaibang kahusayan ni Gerald sa larangan ng live entertainment. Matatandaang ang huling major concert ni Gerald noong 2011 sa Music Museum din ang nagbigay sa kanya ng tropeo sa Aliw Awards bilang Best Male Concert Performer. Bagama’t walang pressure na mahigitan ang kahusayan niya sa concert na ‘yun, positibo si Gerald na mas maraming bago siyang maipakikita sa kanyang mga taga-hanga at tagasuporta.
Bagama’t makakasabay rin ng concert ni Gerald ang concert ni Daniel Padilla sa Araneta Coliseum, magkaiba naman daw ang crowd nila ng batang aktor dahil talagang bagets ang manonood kay Daniel, samantalang mga young professionals at mga nanay at lola ang susugod sa Music Museum sa April 30.
Ang “The Prince of Ballad Soaring High” ang hudyat sa panibagong level ng pagtaas ng career ni Gerald Santos at humanda ang kanyang mga tagahanga sa mga malala-king pasabog ni Gerald ngayong 2013!
Ooola Chika
E-mail: [email protected]
by Tita Swarding