TO SEE IS to believe!” Ito ang winika ng Master Showman himself na si Kuya Germs Moreno sa kumakalat na tsismis na nakita raw na nagka-casino ang nag-iisang Superstar na si Nora Aunor kasama si John Rendez.
Ayon kay Kuya Germs, kung sino man daw ang nagtsi-tsismis na balik-casino si Ate Guy ay magpakita sa kanya ng pruweba katulad ng picture at video at doon lang daw siya maniniwala na nagka-casino nga ang kanyang ‘Ni’ (tawagan nila ni Ate Guy).
Pakiusap nito na ‘wag naman daw intrigahin si Ate Guy dahil ilang buwan lamang daw ang ilalagi nito sa bansa ay after ng kanyang mga commitments dito ay babalik na ito sa Amerika. Kaya naman ang hamon ni Kuya Germs ay maglabas ng litrato man lamang ang mga taong umiintrigang nagka-casino ang Superstar bilang ebidensiya at doon lamang siya maniniwala.
MANAGER PALA NG young actor na si Alden Richards ang agent na si Dudu, ang hindi binigyan ng komisyon ng BF ni Heart Evangelista na si Daniel Matsunaga at ng handler nito sa raket na naibigay ng nauna sa hunk model/ actor.
Tsika nga ni Dudu nang makausap namin na until now, hindi pa rin nito nakukuha ang 20k na komisyon sa booking na ibinigay niya kay Daniel. Pakiusap nga nito na sana man daw ay tuparin ng mga ito ang unang napag usapan tungkol sa magiging parte niya sa bayad sa nasabing show na maayos naman daw nilang napagkasunduan noong nag-usap sila.
Ano ba naman daw na sumagot daw ang mga ito sa text ni Dudu kung makukuha pa ba niya o hindi na ang kanyang percentage at ‘wag daw mag-super duper deadma ang mga ito kapag ite-text na ni Dudu.
Ano kaya ang masasabi ni Alden Richards dito? ‘Yun na!
NAALIW ANG MARAMI sa newest character na napapanood sa GMA-7 every Sunday after Party Pilipinas, ang Tween Hearts sa katauhan ni Gwendolyn na in real life ay si Joanna B. Marcelo at kapartner ng tinaguriang Mario Maurer ng Pilipinas na si Teejay Marquez.
Cute daw ang tandem ng 2 bilang mga nerd sa Barkada ng mga tweens na sina Kristoffer Martin, Joyce Ching, Bea Binene, Jake Vargas, Hiro Magalona, Kim Komatsu, Derrick Monasterio, Gabby Garcia, atbp.
Ang character nga raw nina Gwendolyn at Nathan ang isa sa loveteam ng Tween Hearts na talaga namang maraming sumusuporta at umaasa nga raw ang mga fans ng loveteam ng mga ito na sana raw ay magkaroon ng episode na hindi na nerd ang dalawa nang makita ng lahat kung gaano kaguwapo at kaganda si Gwendolyn at Nathan without eyeglasses.
MARAMING KINILIG NANG inamin ng dalawa sa lead actors ng Utol Kong Hoodlum na sina JC de Vera at Jasmine Curtis-Smith na type nila ang isa`t isa. Noong una, hindi pa masabi ni Jasmine na type niya si JC dahil kababae nga niyang tao at siya pa ang naunang tanungin kung type niya ang binatang aktor.
Pero kalaunan ay umamin din ito na may paghanga siya sa binata, pero hindi pa raw ito handang magkaroon ng panibagong relasyon, kung saan very honest nitong sinabing nagkaroon na siya ng BF when she was 15 years old sa Australia, pero hindi raw ito nag tagal. Kaya naman daw after that relationship ay na-realize ni Jasmine na masyado pa siyang bata para ma-involve sa malalim at seryosong relasyon.
Tsika naman ni JC nang matanong kung type niya ang nakababatang kapatid ni Anne Curtis, sinabi nitong sino naman daw ang hindi magkakagusto sa isang Jasmine Curtis-Smith na fresh, only 17 years old, maganda at sexy, pero masyadong bata pa raw si Jasmine. Bukod pa sa katotohanang may Danita Paner na siya. Dagdag pa ni JC na kapag nag-edad 20 pataas pa si Jasmine ay magbu-bloom pa ito at mas gaganda.
Ngayong Setyembre na magsisimulang mapanood ang nasabing aksyon-serye mula sa direksiyon nina Argel Joseph at Topel Lee.
John’s Point
by John Fontanilla