TULOY RAW ang planong paglipad sa Amerika ng nag-iisang Master Showman na si Mr. German “Kuya Germs” Moreno na ngayon ay nakauwi na ng kanyang bahay sa Valencia St., Greenhills, San Juan noong Sabado ng hapon.
Kuwento nga ng sekretarya ni Kuya Germs na si Tita Chuchie Fajardo, “Tuloy ‘yung plano na dalhin si Kuya Germs sa Amerika. Kasi ‘yun talaga ang gusto ng anak niyang si Freddie (Federico Moreno), para raw mas mabilis maka-recover si Kuya Germs na agree naman ang lahat.
“Kasi sa Amerika, walang masyadong iisipin si Kuya Germs tungkol sa TV show niya at radio program, mas makapagpapahinga siya.
“Pero nag-suggest si John (John Nite, pamangkin ni Kuya Germs na doctor) na kailangang naka-recover na si Kuya Germs bago bumiyahe pa-Amerika. Mga two to three months bago makabiyahe.
“Pero ‘yun din naman ang plano ni Freddie at Kuya Germs na sa Mahal na Araw, pagkatapos magsimba sa Manaoag, diretso na sila papunta ng Amerika. ‘Di ko lang alam kung ganu’n pa rin ang plano.
“Basta patuloy lang nating ipagdasal si Kuya Germs para mas bumilis pa ang paggaling niya. Malay natin ‘di ba, ‘pag mas umigi pa ang lagay ni Kuya Germs, mas mabilis siyang makababalik sa kanyang trabaho.
“Pero sa ngayon, nagpapagaling na lang siya at tuluy-tuloy ang kanyang theraphy,” ani Tita Chuchie.
Joel Cruz, back to work after ipasyal ang pamilya sa HK
BACK TO work na muli ang Lord of Scent na si Joel Cruz mula sa bakasyon nito kasama ang kanyang buong pamilya sa Hong Kong.
Ayon nga kay Sir Joel, ito raw ang regalo niya sa kanyang pamilya at sa kanyang kambal na anak na sina Prince at Princess. Kung saan niya raw inilibot sa Disneyland at sa Ocean Park ang kanyang family.
Ito na rin daw ang kanyang regalo sa kanyang sarili sa dami ng kanyang trabaho noong 2014. Para naman daw makapag-recharge siya at sa kanyang pagbabalik-trabaho ay on the go na naman siya.
Happy nga raw ito dahil maganda ang taong 2014 sa kanyang negosyo, na mas patuloy na lumalago. Wish nga nito na ngayong 2015 ay magtuluy-tuloy ang suwerte ng kanyang business.
Charity Show ng Gawad Kabataan, matagumpay na naidaos
NAGING MATAGUMPAY ang katatapos na Charity Show ng Gawad Kabataan na ginanap last Jan. 17, 2015 sa Brgy. Langkaan Court, Dasmariñas, Cavite na pinangunahan ng Gawad Kabataan Ambassador na si Justine Lee at ng bagong Gawad Kabataan Ambassador na si Teejay Marquez.
Naging mainit ang pagtanggap kina Justine at Teejay ng mga kabataan sa Langkaan na walang tigil sa katitili sa bawat performance na gawin ng mga ito.
Bukod kina Justine at Teejay, nag-perform din ang mga contract artist ng SMAC TV Productions na sina Chester Chua, Gelica Feliciano, Prince Teodoro, Greco Gonzalo, Carla Zara, Erwin Cadelina, Megan Caguiat, Rain Calaunan, Zarah G, and Cariza llena.
John’s Point
by John Fontanilla