GINANAP ANG unveiling ng mga bagong pangalan na nadagdag sa Walk Of Fame nitong, Lunes, December 1, sa City Walk, sa Eastwood, Libis, Quezon City. Pinangunahan ito ni German Moreno na siyang nasa likod nito.
Siyam na taon na ang nakararaan mula nang simulan ito ng beteranong TV host. At sa 9th year nito, kabilang sa mga celebrities na binigyang parangal ay sina Daniel Padilla at Kathryn Bernardo, Tom Rodriguez, Angel Aquino, Carmi Martin, Vice Ganda, Jaya, Aiko Melendez, Evangeline Pascual, Sylvia Sanchez, ang isa sa sumikat na action star noon na si Tony Ferrer, ang Prima Ballerina na si Liza Macuja, Dante Rivero, Chanda Romero, ang Olympian gold medalist sa Archery na si Gabriel Moreno, Jestoni Alarcon, Allan K, Cory Quirino, at ang sumikat na child actor noon na si Angel Nepumuceno na ama ng world bowling champion na si Paeng Nepumuceno.
Tatlo ang hindi nakarating sa mga bagong batch ng mga nadagdag ang pangalan sa Walk Of Fame. Si Willie Revillame ay nauna nang nagsabi raw sa kanya na hindi siguradong makararating, si Lito Legaspi ay may sakit, at si Joel Lamangan ay may prior commitment daw yata.
“Okey lang naman sa akin,” ani Kuya Germs. “Walang taniman ng sama ng loob. Masaya naman ako na naging successful ang 9th year ng Walk Of Fame.
“Nakakatuwa na ang daming taong pumunta at ‘yong mga mismong in-honor mo, kinilabutan daw sila talaga. Sabi nga nila, kapag nandiyan na raw sa Walk Of Fane ang pangalan mo, iba raw nga ang pakiramdam.”
Rubbing Elbows
by Ruben Marasigan