NASA KULTURA na talaga nating mga Pinoy ang maraming pamahiin na sinusunod. Nariyan ang kapag nalaglag ang kutsara, may bisitang babae na darating. Kapag nalaglag ang tinidor, may bisitang lalaki naman. Nariyan din ang pamahiin na kapag may iniwan kang taong hindi pa tapos sa hapag kainan, kinakailangan ang taong ito ay iikot ang kanyang plato para maiwasan ang masamang pangyayari.
Pamahiin din natin ang pag-ubos ng pagkain sa lamay dahil bawal iuwi ito dahil baka sundan ng kaluluwa ng namatay. Kailangan ding matapos dumalaw sa lamay, huwag didiretso agad sa bahay. Pumunta muna sa ibang lugar bago umuwi dahil nakasunod nga ang kaluluwa.
Lalung-lalo na ‘pag sumasapit ang All Soul’s Day at All Saint’s Day sa Nobyembre, kaliwa’t kanan na ang mga pamahiin na ating sinusunod. Pero alam n’yo ba, kung sa tuwing sasapit ang Nobyembre, tayo ang dumadalo sa mga patay, kapag buwan ng Agosto at ghost month, tayo naman ang binibisita ng mga kaluluwa. Totoo ‘yan, sabi ng ating mga kaibigan na Chinese.
Nagsimula na nga ang sinasabing Ghost Month. At ito ay noong nakaraang Biyernes, Agosto 14. Sa pagsapit ng ghost month, mga kaluluwa ng yumao ang bumibisita sa mga buhay. At sinasabi rin na sa tuwing panahon ng Ghost Month puro kamalasan daw ang mangyayari sa iyong buhay. Takot ngang mag-invest ang mga tao lalo na ang mga Chinese kapag Agosto. Ayon sa kanila, malas ito dahil babagsak daw ang stock market.
Bawal din daw ikasal kapag ghost month dahil mamalasin daw ang relasyon nila. Bawal din daw magkaroon ng kahit anong transaksyon tuwing Ghost Month gaya ng contract signing o pagkakasunduan sa isang business venture dahil mamalasin daw. Totoo man o hindi ang mga ito, ang mga Pinoy, ingat na ingat na rin sa tuwing sasapit ang Ghost Month.
Ang mga kaibigan nating Chinese ay may mga sinusunod na ritwal upang maitaboy ang kamalasan kapag Ghost Month. Anu-ano nga ba ito?
Ang pag-alay ng mga pagkain sa labas ng bahay, karaniwan sa pinto o sa gate ng bahay. Kinakailangan daw mag-alay ng pagkain para sa mga kaluluwa na dadalaw sa iyong bahay. Para maiwasan ang pagpasok nila sa loob mismo ng iyong bahay, handaan mo na sila ng kanilang makakain sa pinto pa lang.
Sa ganitong paraan, maaagapan mo na ang pagpasok nila sa loob. Bigyan sila ng madaling kainan na pagkain gaya ng prutas. Mas mainam kung may putahe kang ulam na iaalay rin. Iwasan ang pagbigay ng mga de-latang pagkain, masusugatan ang kanilang mga labi dahil ngangatngatin daw nila ito.
Ang pag-alay ng tatlong piraso ng insenso. Hindi mo na kinakailangang basbasan ng insenso ang buong bahay. Ang pagsindi at pag-alay ng tatlong stick ng insenso ay sapat na. Bakit tatlo? Dahil para suwertehin at para manaig ang positive energy ng buhay at hindi ang negative energy ng patay, kinakailangan manaig ang odd number, kaya tatlo.
Ikaw pa rin ang naghahawak ng kapalaran mo. Ikaw ang gumagawa ng sarili mong suwerte at malas. Wala rin namang masama kung susundin ang mga pamamaraan upang ang kamalasan ay maiwasan kapag Ghost Month.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo