NAKISIMPATIYA SI LAKAS-Kampi-CMD standard-bearer Gibo Teodoro sa pagkondena ng 57 pamilya ng mga biktima ng Maguindanao massacre sa desisyon ng Department of Justice (DOJ) na absuweltuhin ang dalawang prominentang miyembro ng Ampatuan clan mula sa multiple murder at abduction case kaugnay ng pamamaslang noong Nob. 23, 2009 sa Maguindanao.
Nagbigay ng pahayag si Gibo bilang reaksiyon sa resolusyon ng DOJ na absuweltuhin sa kaso sina Zaldy Ampatuan, suspended ARMM governor, at Akmad Ampatuan Sr.
“Ano pa bang mas titibay na ebidensya na mahigit 50 ang namatay du’n. Ano pa ba’ng titibay du’n at si Mayor lang ang may kagagawan nu’n, maraming testigo,” sabi ni Gibo sa isang interbyu.
Pinatutungkulan ni Gibo sa kanyang pahayag si Andal Jr., ang mayor ng Datu Unsay, na itinuturo ng mmga saksi na siyang pinuno ng mahigit sa 100 armadong kalalakihan na humarang sa convoy sa highway kung saan pinatay ang lahat ng mga pasahero. Kabilang sa mga biktima ang asawa ni Buluan Vice Mayor Datu Esmael Mangudadatu, na tatakbo sanang gobernador laban kay Andal Jr.; tatlong kamag-anak nng mga Mangudadatu; mga abogado at may 30 mediamen na kasama ng grupo.
Papunta ng Commission on Elections office ang convoy ng Mangudadatu para mag-file ng certificate of candidacy nang harangin ang grupo sa isang checkpoint.
“Kailangan pag-aralan ko muna ang mga pangyayari, pero nakalulungkot kung ang mga ito ay maabsuwelto. Sa kabila ng lahat ng pinsala na idinulot nila rito sa ating bansa,” sabi ni Gibo.
Iginiit ni Gibo na dapat na tutukan ng gobyerno ang mga kaso laban sa mga Ampatuan.
“Ako’y nanalig na malakas ang kaso laban sa mga Ampatuan. Ewan ko lang kung rebelyon or conspiracy dahil sa murder na nangyari. So, dapat pursigihin ang prosecution ng lahat ng kaso laban sa mga Ampatuan. Inimbestigahan ‘yan. Pinagmulan pa ng martial law ‘yan. Dapat pursigihin ng gobyerno ‘yan,” ani Gibo.
Pinoy Parazzi News Service