WALANG PLANONG UMATRAS sa laban si administration candidate Gilbert “Gibo” Teodoro. Ito ay matapos na ibasura ni Teodoro ang mga tsismis na umaatras na siya sa presidential race. Pinasaringan pa ni Teodoro ang kampo ng kanyang mga katunggali na nagpapakalat ng nasabing tsismis na takam-takam lang sa kapangyarihan sa pamamagitan ng pagkapangulo.
Muling inihayag ni Teodoro ang patuloy niyang paglaban sa ilalim ng partido ng Lakas-Kampi-Christian Muslim Democrats.
Nauna rito, kumalat ang balitang magpapatawag diumano si Teodoro ng press conference ngayong Lunes at magbibigay umano ng malaking pahayag na tumutuligsa sa diumano’y “VillArroyo” teamup nina Nacionalista Party standard-bearer Senador Manuel Villar at President Gloria Macapagal-Arroyo.
Sa pamamagitan ng kanyang abogadong si Mike Toledo,na siya ring tumatayong campaign spokesman ni Teodoro, itinanggi ni Teodoro ang kumakalat na balita, at sinabing nanggagaling lang ang ganitong tsismis mula sa kanyang mga kalaban.
“Unfortunately such is commonplace in Philippine politics, which reinforces my determination to make a stand, to continue the fight. I will settle for no less than victory, our people deserve no less,” sabi Teodoro.
Lumakas ang usapa-usapan nang magbitiw si Teodoro bilang national chairman ng partido. Sinabi ni Teodoro na kaya siya nag-resign ay para mas makapag-pokus siya sa kanyang pangangampanya.
Pinoy Parazzi News Service