OKTUBRE 3, Sabado nang naganap ang pinakaaabangan na FIBA Asia Championships 2015 Final sa pagitan ng Gilas Pilipinas at China. Napakatindi ng pagtutuos na ito dahil kung sino man ang mananalo dito ay siyang lalahok sa basketball tournament sa Summer Olympics sa Brazil sa susunod na taon. Nagpadagdag init pa sa laban ang pagbitaw ng coach ng China ng salita na kapag natalo sila, puwede nang angkinin ng Pilipinas ang pinag-aagawang Spratly Islands.
Hindi biro ang makalaban ang China sa isang basketball tournament dahil sa nagtatangkarang players nito na nasa average 7 feet hanggang 7 feet 3 inches ang tangkad. Nariyan din ang tandem nina Yi Jianlian ay Zhou Qui. Bukod pa rito, may home court advantage pa. At kay raming mga Intsik sa audience na palakasan sa pag-cheer sa China at palakasan din sa pag”boo”sa Gilas Pilipinas.
Matapos ang apat na quarter, China nga ang nagwagi sa iskor na 78-67. At sila rin ay qualified na nga sa nasabing Summer Olympics sa Brazil sa 2016.
Sinasabi natin na kapag nanalo ang kalaban, may daya. Pero para bang ganoon na rin ang masasabi mo sa laban ng China at Gilas Pilipinas dahil sa napakaruming paglalaro na ipinamalas ng China. Isama mo pa ang napakarumi ring officiating ng mga referees. May kumakalat nga na memes sa social media sites na lahat na nga talaga ay made in China gaya na lang ng referees sa labang China at Gilas Pilipinas.
Napanood ko mismo ang laban at kapansin-pansin ang madalas na pagtawag ng foul sa Gilas players kahit wala naman silang maling ginagawa. Ito rin ang nagiging daan sa laging pagkakaroon ng free throw advantage ng China. Akalain n’yo na ang binansagang dynamic duo players ng China ay nakapag-free throw ng 18 beses. Aba, aba!
May mga hindi rin naitawag na foul ang mga referees sa China kapag mali ang nagagawa nila sa Pilipinas. May pagkakataon na ngang sumubsob na si Norwood, hindi pa rin ito naitawag na foul.
Pero hindi naman ipagkakakila na may laban talaga nag Gilas sa China. Hindi nga nila matapatan ang pag-crossover ni Terrence Romeo. Lagi silang naiisahan nito.
Sa unang parte ng 1st quarter, nangunguna pa ang Gilas sa China. Ilang beses naka-tres ang Gilas. Hanggang sa na-steal at na-steal ng China ang bola, samahan mo pa ng ilang beses nila makapag-rebound kaya umabot din sa 11 puntos ang lamang ng China. Nagkaroon na rin ng paghihirap ang Gilas na palapitin ang laban sa China matapos ang 1st quarter. Hanggang sa ayun na nga, nasungkit ng China ang panalo laban sa Gilas.
Hindi naman talaga natin maitatanggi ang pagkadismaya sa pagkatalo dahil sa dumi ng laban na naganap. Pero, mas nagpaigting din ito ng ating paghanga at pagsuporta sa pambato ng ating bansa, ang Gilas. Nabanggit nga ng coach ng Gilas na si Baldwin sa isang interview na subukang maglaro ng China sa harap ng mga Pinoy fans para malaman nila na ang mga Pinoy fans ang totoong fans at hindi gaya ng mga pekeng Intsik na audience sa nakaraang laban na para bang sadyang pinapunta sa laban para mang-trashtalk.
China man ang nanalo bilang kampeon, mananatiling Gilas pa rin ang kampeon sa puso nating mga Pinoy.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo