Natawa ako sa hirit ni Tita Gina Pareño sa sa amin nang magkita kami sa presscon ng bagong romance serye ng Kapamilya Network na “Born for You”.
Bihis na bihis siya sa suot niya na parang mapusyaw na kulay egg yolk at may palamuting sequins at beadworks sa may bandang neckline.
Sa ground floor ng ELJ Bldg., nakasalubong ko siya kung saan maaga ang abiso sa kanila ng produksyon na dapat ahead of time sila dahil may konting briefing pa sa kanila ang mga taga-produksyon.
“Roel, saan ka pupunta?” tanong niya sa akin. Sagot ko na patungo ako ng McDo para mag-kape muna. “Mamayang 7:00 pm pa naman Tita Gina ang invitation sa amin.”
Pusturang-pustura siya sa ayos na ang apo niyang babae na 17 years old ang siyang nag-ayos ng buhok niya sa bagay sa suot niyang bestida.
Noong panahon marahil ni Tita Gina, during the late 60’s, siya marahil ang tinaguriang “babaeng bakla” na ibig sabihin nu’n ay babaeng kasundo ng bakla at ng halos ng lahat. In short, walang masamang tinapay. Madaling pakisamahan. Cowboy na kabaliktaran ng pagiging prim and proper ng isang Gloria Romero o ni Susan Roces.
Sa bagong romance serye ng Dreamscape Entertainment na mapanonood na simua sa Lunes pagkatapos ng “Dolce Amore” kung saan inilulunsad ang bagong tambalan nina Elmo Magalona at Janella Salvador, she plays an important role sa buhay ng anak niyang si Vina Morales at apo na si Sam (Janella), na ang bansang Japan ay ginawang location ng serye na makikita rin ang kagandahan ng bansa tulad ng Mt. Fuji, ang kulturang Hapon, at marami pang tourist spots.
After ng presscon on my way out, sumama ako sa kinauupuan ni Tita Gina, kung saan kausap niya si Manay Ethel Ramos (Dean ng Philippine Entertainment Writing). Si Manay Ethel nga ang pumuna ng magandang suot ni Tita Gina, na imbes irampa sa presscon, ang nangyari, lahat sila pinagsuot ng white T-shirt na may tatak (titulo) ng show nila sa harap.
“Sayang ang suot ko na bestida. Ang ganda pa naman,” pagmamalaki niya na ibinaba niya ang neckline ng T-shirt na nakapatong sa suot niyang bestida para ipagmalaki ang suot niya sa mga press na nakapaligid sa kanya.
Tsika to death si Tita Gina sa role niya sa bagong serye. “Mabuti na lang at naaalagaan ako ng ABS-CBN. Nagpapasalamat ako sa kanila sa bagong teleserye kong ito,” sabi niya.
Maging si Tita Gina, ‘di niya rin inaasahan ang magandang pagtrato sa kanya ng Kapamilya Network. “Kahit marami nang mga bagong artista ngayon, binibigyan pa rin nila ako ng trabaho,” kuwento niya.
Noong gabing ‘yun, ayaw pa niyang umuwi. Dadaan daw muna siya sa programa ni Bro. Jun Banaag para dumalaw. Regular listener ng sikat na radio anchor ng DZMM si Bro. Jun or aka Dr. Love na napakikingan gabi-gabi simula alas onse ng gabi hanggang ala-una ng madaling-araw na siyang sumusunod sa programa nina Jobert Sucaldito at Papa Ahwel Paz na “Mismo”.
On her way out papunta ng Main Bldg. ng ABS-CBN sa Sgt. Esguerra, nasabit pa siya sa konting tsikahan namin. Nalaman namin na kasama pala siya sa pelikulang “Darna” ng Star Cinema na magpasa-hanggang ngayon ay pahulaan pa rin kung sino ang gaganap sa role ni Narda na magiging Darna ‘pag nilulon nito ang bato.
Hirit namin kay Tita Gina na ibulong na niya sa akin kung sino ang gaganap na bagong Darna sa pelikula. “Bawal, mahal (term of endearment niya sa mas nakababata sa kanya). Magagalit sila (produksyon),” sabi niya.
Si Angel Locsin ba? Baka si Liza Soberano, kaya?
“Bawal. ‘Di ba si Angel, siya ‘yong Darna sa kabila (GMA) na nakasama ko sa serye noon?” sabi lang niya.
Si Tita Gina Pareño, devotee ni St. Pio kaya naman gabi-gabiNG nakikinig siya sa programa ni Bro. Jun para abangan ang nightly prayers para sa santo.
Reyted K
By RK VillaCorta