Dear Chief Acosta,
NAIS KO lang pong isangguni ang aking suliranin. Kasal at hiwalay po kami ng aking asawa at mayroon po kaming isang anak. Inobliga ko siya na kahit hiwalay na kami ay dapat sustentuhan niya kahit na ang bata na lamang. Subalit lagi niyang katuwiran sa akin na gagastusan niya lang ang bata sa tuwing hihiramin niya. Kapag nasa poder ko ang bata ay wala na siyang obligasyon.
Hindi po ako pumayag dahil sa alam kong may karapatan ang anak ko at obligasyon niya naman talaga iyon. Isa pa kung ipipilit ko raw ang gusto ko ay hindi niya na lang kukunin ang bata. Kaya mula po noon ay pinabayaan na niya nang tuluyan ang bata. Sa ngayon, nakumpirma ko na nasa ibang bansa siya nagtatrabaho kasama ang kinakasama niya.
Sinubukan ko po siyang makontak para sa obligasyon niya subalit hindi niya naman ito pinapansin. May nagsabi po sa akin na puwede raw po akong magpadala ng demand letter sa kanya para sa sustento ng bata. Tama po ba iyon? At paano kapag binale-wala pa rin niya ang demand letter? Ano po ba ang dapat kong gawing hakbang? Sana po ay matulungan ninyo ako. Salamat po.
Maria
Dear Maria,
UNA SA lahat, palatandaan na ang suporta ay isang sapilitang obligasyon na hindi maaaring talikdan o ipasa-sapagkat ito ay kailangan sa pagpapanatili ng buhay ng taong nangangailangan ng suporta. Kaugnay nito, ang Article 195 ng ating Family Code ay nagtakda ng mga taong dapat magbigyan ng suportang pinansyal sa isa’t isa:
“Article 195. Subject to the provisions of the succeeding articles, the following are obliged to support each other to the whole extent set forth in the preceding article: (1) The Spouses; x x x (3) Parents and their legitimate children and the legitimate and illegitimate children of the latter;x x x”
Malinaw sa nabanggit na batas na may obligasyong magbigay ng suportang pinansyal ang iyong asawa hindi lamang sa inyong anak kundi pati na rin sa iyo. Subalit sa iyong sitwasyon na ang iyong asawa ay nagtatrabaho sa ibang bansa at pansamantalang wala rito sa ating bansa, maaaring mahirapan kang makahingi ng suportang pinansyal mula sa kanya.
Gayunpaman, kung alam mo ang address ng iyong asawa sa ibang bansa, tama ang naging payo sa iyo na humingi ng suporta mula sa kanya sa pamamagitan ng pagpapadala ng demand letter for support. Makabubuting idaan mo muna sa magandang pakiusap na kayo ay bigyan niya ng suporta. Mahalaga ring makapagpadala ka na agad ng demand letter sapagkat dito magsisimula ang obligasyon ng asawa mo na magbigay ng suportang pinansyal sa inyong mag-ina kahit pansamantalang hindi pa niya ito naibibigay. Ito ay tinatawag na support in arrears alinsunod sa Article 203 ng Family Code.
Maaari ka ring dumulog at humingi ng tulong sa ating Department of Foreign Affairs (DFA) na matatagpuan sa 2330 Roxas Blvd., Pasay City. Ang nasabing ahensya ng ating gobyerno ay may kakayahang makipag-ugnayan sa embahada o consul ng Pilipinas na nakatalaga sa bansa kung saan naroroon ang iyong asawa at posibleng makatulong sa iyo sa paghingi ng suportang pinansyal.
Sa pagkakataong hindi sumagot ang iyong asawa sa demand letter na ipinadala at hindi rin nagbunga ng maganda ang pakikipag-ugnayan ng DFA sa iyong asawa, maaari kang magsampa ng Action for Support laban sa kanya. Paalala lamang na hindi uusad ang kasong Action for Support na isasampa mo laban sa iyong asawa kung siya ay pisikal na wala rito sa bansa. Ito ay sa kadahilanang sa nasabing kaso, kinakailangang magkaroon ng jurisdiction ang ating hukuman sa iyong asawa. Ibig sabihin, kinakailangang personal na makatanggap ng summons ang iyong asawa upang siya ay mabigyan ng pagkakataong sumagot sa kasong isasampa mo sa kanya.
Sa paggawa ng demand letter at sa pagsasampa ng Action for Support, kailangan mo ng abogado. Kung ikaw ay walang kakayahang kumuha ng pribadong abogado, maaari kang sumadya sa Regional o District Office ng aming Tanggapan, Public Attorney’s Office, na kalimitang matatagpuan sa Municipal or City Hall o sa Hall of Justice sa inyong lugar.
Atorni First
By Atty. Persida Acosta