SIMULA NANG MAI-ERE ang Balitaang Tapat sa TV5, ang sumbong na natanggap ng segment nitong ITIMBRE MO KAY TULFO (IMKT) noong nakaraang Martes ang pinakamatindi sa lahat. Isang ginang ang walang awang ginahasa na nga, ninakawan pa.
Humahagulgol sa iyak si Cheska (hindi niya tunay na pangalan) habang isinasalaysay ang mala-impiyernong karanasan niya sa kamay ng mga barumbadong pulis.
Ayon kay Cheska, noong July 1, Biyernes, hinuli siya ng mga pulis. Sinabi sa kanya na may warrant of arrest daw siya. Ipinaliwanag ni Cheska sa mga pulis na naayos na niya ang kanyang warrant at nagpakita pa siya ng dokumento mula sa korte bilang patunay. Pero dinala pa rin siya sa Camp Karingal.
Pagdating ng Camp Karingal, idiniretso siya sa tanggapan ng CIDG. Sa kabila ng katakut-takot na pagpapaliwanag ni Cheska na paso na ang warrant laban sa kanya, pinagpipilitan pa rin ng mga pulis na siya ay wanted. Kinuha ng mga pulis ang 250 thousand pesos sa kanyang bag.
‘Di pa nakuntento, pinapirma siya sa isang deed of sale para mai-transfer ang kanyang SUV sa mga pulis. Hindi na nakapalag si Cheska dahil tinatakot siya at tinututukan ng baril. Matapos makapanlimas ang mga pulis kay Cheska, isang PO3 Jonathan Endocel ang nagdala sa kanya sa isang apartelle at doon walang awa siyang ginahasa.
MABILIS NAMAN ANG naging aksyon ni CIDG Chief Ge-neral Sammy Pagdilao. Matapos naming maiparating sa kanya ang sumbong, nang araw ding iyon ipinatawag niya si Endocel at dinisarmahan.
Nakapagsampa na rin ng kasong kriminal at admi-nistratibo si Cheska laban kay Endocel at sa mga kasamahan nito.
Sa kasalukuyan, nasa protective custody ng Women’s and Children’s Office sa Camp Crame si Cheska.
KAPAG MINALAS-MALAS ITONG si JO2 Rodriguez Garcia, isang jail guard sa Manila City Jail, baka matikman niyang makalaboso sa kulungan na kanyang binabantayan. Si John Mark Rosales ng Barangay Obrero, Quezon City ay dumulog sa WANTED SA RADYO (WSR). Ipinakita ni John Mark ang mga tahi sa kanyang ulo sanhi ng pagkakapukpok ng baril.
Ayon kay John Mark, noong July 3, bandang 10:30 ng gabi habang naglalakad siya, bigla na lang siyang sinugod ni Garcia at pinagpapalo ng baril ang kanyang ulo.
Si John Mark ay isa sa mga tumatayong testigo laban kay Garcia hinggil sa mga patung-patong na kasong pang-aabuso nito sa kanilang barangay.
Ayon sa mga reklamo sa barangay laban kay Garcia, kapag nalalasing daw ito, lumalabas ang kanyang pagi-ging abusado – nanunutok at namumukpok ng baril.
Nang maiparating ng WSR ang sumbong ni John Mark kay BJMP Chief General Rosendo Dial, nang araw ding iyon, dinisarmahan niya si Garcia at sinampahan ng kasong grave misconduct – isang administrative case. Sinamahan din ng WSR si John Mark sa PNP para makapagsampa ng kasong kriminal na physical injury laban kay Garcia.
Ang Balitaang Tapat ay mapapanood sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 11:30 am – 12:15 noon. Samantalang ang WSR naman ay mapapakinggan sa 92.3 FM, Radyo5, Lunes hanggang Biyernes, 2:00 – 4:00 pm. Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-87-TULFO at 0917-7-WANTED.
Shooting Range
Raffy Tulfo