Ginamit ang Apelydio ng Asawa

Dear Atty. Acosta,

 

ANG ASAWA ko po ay nagkaroon ng affair sa ibang babae nu’ng kami ay nagkahiwalay. Kami po ay legal na mag-asawa. Nabuntis po ang babae at ang itinuturong ama ay ang aking asawa. Masakit pong tanggapin na mas pabor pa ang aking biyenan sa naging karelasyon ng asawa ko. Mas gusto pa nila na ang babaeng iyon ang pakisamahan ng asawa ko.

Sa ngayon po ay tatlong taon na ulit kaming nagsasama ng asawa ko. Napag-alaman ko na apelyido ng asawa ko ang ginagamit ng bata. Pumirma po ang kapatid ng asawa ko sa birth certificate ng bata. Ginaya po ang pirma ng asawa ko. May bisa po ba iyon? Pakipaliwanag po sa akin.

Sa ngayon po ang babae at ‘yung bata ay nakatira sa bahay ng kuya. Pinsan po kasi ‘yung babae ng hipag ng asawa ko. Chief, sana po ay isa na ako sa matulungan n’yo. Itago n’yo po ako sa pangalang Ana Marie… maraming salamat po.

 

Naghihintay,

Ana Marie

 

Dear Ana Marie,

ANG PAGPAPALSIPIKA ng dokumento ay isang krimen sa ilalim ng batas. Samakatuwid ang ginawa ng inyong bayaw na paggaya sa pirma ng inyong asawa upang lumabas sa birth certificate ng bata na kinikilala ito ng inyong asawa bilang kanyang anak ay may kaakibat na kaparusahan na naaayon sa batas. Ayon sa batas, kung mapatunayang nagkasala, maaaring makulong nang mula dalawang (2) taon, apat (4) na buwan at isang (1) araw hanggang anim (6) na taon ang isang taong gumawa nito. (Article 172, Revised Penal Code)

Maaari ring makasuhan ang ina ng bata kung alam nitong palsipikado ang nasabing dokumento at ito ay ginamit pa rin niya at ang paggamit na ito ay nagdulot ng pinsala sa ibang tao. Ayon sa batas, ang paggamit ng palsipikadong dokumento ay pinaparusahan ng pagkakakulong nang mula anim (6) na buwan hanggang dalawang (2) taon at apat (4) na buwan. (Article 172, Revised Penal Code)

Patungkol naman sa bisa ng nasabing pagkilala, dahil nga palsipikado, ito ay walang bisa. Subalit kinakailangang iharap ang usapin sa hukuman dahil na rin nagamit na ang nasabing pagkilala na basehan upang magamit ng bata ang apelyido ng inyong asawa. Kailangang magsampa ang inyong asawa ng kaukulang petisyon sa hukuman upang ipatama ang maling entrada sa birth certificate ng bata. (Rule 108, Revised Rules of Court)

Sa puntong ito, nais din naming ipaalala sa inyo na kung talaga namang anak ng inyong asawa ang nasabing bata, ito ay may mga karapatan din sa ilalim ng batas. Hindi ninyo nabanggit sa inyong liham kung itinatanggi ba ng inyong asawa na siya ang ama ng bata. Kung hindi naman niya tinatanggi ito at kinikilala rin niya ito bilang kanyang anak, may karapatan ang bata na gamitin ang apelyido ng inyong asawa at mabigyan ng pinansyal na suporta ng kanyang ama. (Republic Act No. 9255, Art. 195, Family Code of the Philippines)

Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyon na ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong ibang maidagdag.

Atorni First
By Atty. Persida Acosta

Previous articleTrending Tambayan ng mga Bagets
Next articlePalpak!

No posts to display