Dear Atty. Acosta,
KASALUKUYANG ANNULLED na ang kasal namin ng asawa ko. Dati kaming nagtatrabaho sa iisang kumpanya, at dahil matalik na kaibigan niya ang may-ari ng kumpanya ay sapilitan akong pinagbitiw sa aking trabaho. Ang sabi sa akin ng may-ari ng kumpanya ay kung hindi ako magbibitiw ay tatanggalin nila ako sa dahilang loss of trust and confidence. Manager ako dati ng nasabing kumpanya at kahit minsan ay hindi ako gumawa ng masama o nagnakaw sa kanila. Ang ikinasasama pa ng loob ko ay pinangakuan ako ng may-ari na bibigyan nila ako ng resignation package kung ako ay magbibitiw. Ngunit nang isumite ko ang aking resignation letter ay hindi nila tinupad ang kanilang pangako. Ano po ang maaari kong gawin?
Nais ko rin pong malaman kung mayroon ba akong karapatan na makuha ang bahagi ko sa dalawang kumpanya na kung saan ako ay kasapi bilang isang incorporator. Ang dalawang kumpanyang ito ay rehistrado sa Securities and Exchange Commission (SEC) at pagmamay-ari ng amo ko sa dating kumpanya na pinapasukan ko. Ang pag-aari ko sa isang kumpanya ay 29%, habang sa isa naman ay 15%. Gustong ipasara ng mayorya ng mga stockholders ang isa sa nasabing kumpanya dahil sa hindi na raw ito kumikita. Ngunit base sa financial statement ay mayroon itong kita pero nasa receivables pa lamang. Iyong isang kumpanya naman ay kumikita ngunit may mga pautang din. Ano po ang maipapayo ninyo?
Lubos na gumagalang,
Mr. Lauro
Dear Mr. Lauro,
KINIKILALA NG ating batas ang resignation bilang isa sa mga paraan upang makapagbitiw at makaalis sa pinapasukang trabaho ang isang manggagawa. Mahalaga lamang na makapagbigay ng sulat ng pagbibitiw ang manggagawa isang buwan bago ang takdang araw ng pagbibitiw.
Ang manggagawa na nagbitiw sa kanyang katungkulan ay walang karapatan na makakuha ng pinansyal na benepisyo, maliban na lamang sa mga sumusunod na dahilan: una, kung ito ay parte ng kasunduan ng pamamasukan; ikalawa, kung ito ay parte ng Collective Bargaining Agreement (CBA); ikatlo, kung ito ay matagal nang gawain o polisiya ng kumpanya, at ikaapat, kung nakapaloob sa isang hiwalay na kontrata ang pagbibigay ng pinansyal na benepisyo sa nagbitiw na manggagawa. Wala sa tatlong unang nabanggit na dahilan ang pagliban mo sa iyong trabaho, kung kaya’t walang obligasyon ang iyong kumpanya na magbigay ng anumang benepisyo sa iyo. Ngunit maaari mong igiit na tuparin ng kumpanya ang ipinangako nila sa iyong resignation package, base sa ikaapat na nabanggit na dahilan, kung iyong mapatunayan na mayroon kayong kasunduan, kung saan nakapaloob ang nasabing resignation package.
Tungkol naman sa iyong bahagi sa dalawang kumpanya, kung saan ikaw ay naging incorporator, may karapatan ka na makuha ang iyong bahagi kung ikaw pa rin ang nagmamay-ari ng mga shares of stocks na iyong binili at inambag noong ikaw ay tumayong incorporator ng dalawang kumpanyang iyong nabanggit. Ngunit kung nailipat o naibenta mo na ang mga nasabing shares of stocks ay wala ka nang karapatan dito.
Sa kabilang banda, may kakayahan ang mga direktor ng kumpanya na ito ay ipasara maging ito man ay kumikita o hindi. Kinakailangan lamang sundin ng kumpanya ang mga proseso at alituntunin na itinakda ng Securities and Exchange Commission sa pagpapasara ng kumpanya. At sa pagsasara nito, may obligasyon ang pamunuan ng kumpanya na bayaran ang mga pinagkakautangan nito, at narararapat ding maibalik ang natitirang pag-aari ng kumpanya sa mga shareholders base sa porsyento ng kanilang shareholdings. Ang tawag sa aspetong ito ay ang liquidation at winding up ng kumpanya. Ayon sa Section 122 ng Corporation Code of the Philippines “Every corporation whose charter expires by its own limitation or is annulled by forfeiture or otherwise, or whose corporate existence for other purposes is terminated in any other manner, shall nevertheless be continued as a body corporate for three (3) years after the time when it would have been dissolved, for the purpose of prosecuting and defending suits by or against it and enabling it to settle and close its affairs, to dispose of and convey its property and to distribute its assets, x x x” Kung kaya’t matapos na mabayaran ang nakabinbing obligasyon ng kumpanyang iyong nabanggit, responsibilidad ng pamunuan nito na bahagian ka sa natitirang pag-aari nito ayon na rin sa iyong shareholdings.
Atorni First
By Atty. Persida Acosta