Dear Atty. Acosta,
AKALA KO ay maayos ang aming naging paghihiwalay ng aking boyfriend sapagkat ito naman ay sa kadahilanang kailangan kong mangibang-bansa. Nagulat na lamang ako na kung anu-ano na ang sinasabi niya sa mga kakilala namin tungkol sa akin at sa namagitan sa amin. Pinag-uusapan na kami sa aming barangay at sa tuwing ako ay wala sa amin ay panay naman ang kanyang pagpapadala ng e-mail at text ng pananakot. Ano ho ba ang maaari kong gawin? Gulung-gulo na ako at nais ko na sanang tigilan na niya ako. Sana ay matulungan ninyo ako.
Ana
Dear Ana,
BATAY SA iyong mga inilahad, kung kayo ay nakatira sa iisang barangay lamang ay maaari kayong sumangguni sa inyong punong barangay at maghain ng reklamo laban sa iyong dating nobyo. Ipatatawag at paghaharapin kayo ng dati mong nobyo upang mapag-usapan ninyo ang inyong problema. Ang layon din ng paghaharap ninyo ay upang mabigyan kayo ng pagkakataon na magkaayos. Mahalaga na ipahiwatig ninyo sa inyong punong barangay ang mga paaran ng panggugulo na ginagawa sa iyo ng iyong nobyo, kasama na ang mga hindi magandang epekto ng kanyang mga ginagawa. Marahil sa paraang ito ay mabubuksan ang kanyang isipan at ititigil na niya ang kanyang maling gawain. Maaari ka ring humiling sa inyong punong barangay ng pagpapalabas ng Barangay Protection Order upang mapagbawalan ang iyong dating nobyo sa kanyang panggugulo at upang maiwasan ang iba pang posibleng panggagambala niya sa iyo.
Kung matapos ang iyong pagrereklamo sa barangay ay hindi pa rin niya itinitigil ang kanyang panggugulo, maaari kang lumapit sa hukuman upang mabigyan ka ng kaukulang proteksyon. Maaari kang magsampa ng reklamo sa Regional Trial Court ng lugar kung saan nagaganap ang kanyang panggugulo o pananakot, alinsunod sa mga probisyon ng Republic Act No. 9262 o ang “Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004”. Ayon sa nasabing batas, maaaring parusahan ang asawa, dating asawa, nobyo o dating nobyo ng isang babaeng biktima kung gumagawa ito ng acts of violence sa nasabing babae, maging ito man ay physical, sexual, o psychological na pang-aabuso. Kung mapatunayan na lumabag ang iyong dating nobyo sa batas ay maaari siyang maparusahan ng pagkakakulong sa parusang prision correccional hanggang prision mayor.
Masasabi natin na ang pagkakalat ng maling impormasyon, personal na impormasyon ukol sa mga namagitan sa inyo ng iyong dating nobyo o ang kanyang “pangtsi-tsismis” kasama na ang pagpapadala niya ng mga mensahe ng pananakot sa e-mail at text ay uri ng psychological violence, lalo na kung ito ay nagresusulta sa agam-agam, pangamba, pagkatakot at pagkasira ng iyong puri. (Section 3 (C), id) Maaari ka ring humingi ng Temporary Protection Order (TPO) o Permanent Protection Order (PPO) sa hukuman, habang dinidinig ang iyong reklamo, upang mapagbawalan siya sa patuloy niyang panggugulo sa iyo. Section 8, id)
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Atorni First
By Atty. Persida Acosta