SUNUD-SUNOD ANG mga female celebrities na nag-a-announce ng kanilang pagbubuntis. Pero si Gladys Reyes, wala na raw plano na dagdagan pa ang tatlong anak nila ni ni Christopher Roxas.
“Diyos ko, parang sarado na ang tindahan!” biro ng aktres. “Oo. Limited supplies na! Naku… ngayon ko lang na-realized, ang mahal magpaaral! Kung gusto mong bigyan ng quality education at quality life ang iyong pamilya, parang kailangan talagang nagpaplano. At… kasi I’m not getting any younger na rin. So, parang iniisip ko pa lang na magbi-breastfeed na naman ako, ‘yong mag-uumpisa na naman ako sa square one… parang ang hirap. ‘Di ba? Siyempre, gusto mo namang ma-enjoy rin ‘yong mga anak mo.”
Kaya hanggang tatlong anak na lang talaga sila?
“Naku, ayoko namang magsalita nang tapos! Baka after this, the next day e, buntis pala ako. Hahaha! Pero kung ako, okey na ako sa tatlo. Kasi lahat may special na place.”
Hindi lahat ng mag-asawang artista ay nagiging matatag at tumatagal ang pagsasama. Ano ang key ng maayos at masayang marriage life nila ni Christopher?
“Ay, naku! Malaking factor po ‘yong faith namin. Na siyempre, ‘yong pananampalataya sa Diyos at saka pareho kaming family-oriented. At huwag nang patagalin kung medyo may sama ka ng loob sa partner mo o sa husband mo. Dapat pinag-uusapan, hindi puwedeng dini-deadma.”
Masaya si Gladys na finally ay award-winning actress na siya ngayon. First time niyang manalo ng Best Supporting Actress sa Gawad Urian para sa pelikulang Magkakabaung, kung saan mabait ang kanyang role.
“Nakatutuwa na bukod sa pang-aapi ko sa bida na siyang kadalasan kong papel, na-prove ko na may iba pa pala akong magagawa. Pero okey pa rin sa akin na mag-portray ng kontrabida. I love playing villain roles. Sa ngayon nga, si Ai-Ai (delas Alas) naman ang inaapi ko sa Let The Love Begin. Pero ibang takae naman ito, dahil medyo may pagka-comedy.”
Rubbing Elbows
by Ruben Marasigan