MAGANDA ANG feedback ng viewers sa simula ng pag-ere ng bagong primetime series ng GMA 7 na The Richman’s Daughter. Ito’y kahit sensitibo ang istorya nito na tungkol sa isang lesbian at isang babae na magkakagustuhan.
Ang isa sa cast nito na si Glaiza de Castro, noong una raw ay may hesitation at agam-agam sa kanyang pagpu-portray ng role ng isang babaeng-babae ang hitsura pero isang tomboy na magkakagusto sa richman’s daughter na ginagampanan naman ni Rhian Ramos. “Ito ang pinaka-challenging sa lahat ng mga naging roles ko. Mahirap siya in a way na… first time ko kasi siyang ginawa ever.”
Paano kaya niya iha-handle if ever na may tomboy manligaw sa kanya?
“Well… hindi ko naman isinasarado ang isip ko sa mga gano’ng bagay. Hindi naman ako ang tipo ng tao na nangdya-judge ng kung anumang preference. Pero kung sakali mang dumating ‘yon, I would just be open. Katulad ng siguro mga lalaki rin na manliligaw, tingnan natin, ‘di ba?” sabay ngiti niya. “Tingnan natin kung ano ang mangyayari. Kasi ang ano naman… ‘di ba, hindi naman siguro masama na sabihin na gano’n?”
Marami silang kissing scenes ni Rhian.
No’ng unang beses na kinunan ang gano’ng eksena, ano ang feeling niya?
“Nakaiilang!” nangiting sabi ni Glaiza.
“Kasi… first time na ginawa ko iyon sa buong buhay ko. Pero no’ng medyo tumagal-tagal na, medyo ano naman nagiging komportable na. Mahirap at first. Kaya nga kami naiilang, e. Kasi, ‘di ba? Hindi namin puwedeng peke-in kung anuman ‘yong mga eksena namin, ‘di ba?
“So noong una, parang nag-aano kami… nangangapa pa kami sa isa’t isa. Pero unti-unti, nagulat nga ako, e… ang bilis ng transition na it didn’t take a long time para maging komportable kami sa isa’t isa. Although naha-hype ‘yong about lesbians, gusto rin naming iparating na it’s about family. It’s about friendship. It’s about finding your inner truth.
“So… I think universal ‘yong approach ng Richman’s Daughter. And it just not cater on the LGBT community, it caters to everyone,” sabi pa ni Glaiza.
Rubbing Elbows
by Ruben Marasigan