ISA SA MGA naging in-demand na artista sa katatapos lang na 7th Cinemalaya Film Festival si Glaiza de Castro. Lumabas siya sa tatlong pelikula – I-Libings, Patikul at ang closing film na Rakenrol.
Pinabilib ng Amaya star ang mga manonood sa kanyang intense performance bilang illegitimate child na hindi mapigilang magsabi ng kanyang saloobin sa I-Libings. May mga eksena rin kung saan walang pakundangan itong magbitiw ng mga curse words. Sa Rakenrol naman ay may eksena ito, kung saan nagmumura siya sa stage habang kumakanta ng isang impromptu rock song. Walang alinlangan din nitong inulit ang nasabing performance sa libreng concert sa Harbour Square pagkatapos ng Philippine premiere ng pelikula ni Quark Henares.
Ito ang rason kung bakit laging kinukuha ng indie filmmakers ang serbisyo ni Glaiza. Hindi ito tulad ng mga kasabayan niya na masyadong ‘image conscious’.
MARTIN ESCUDERO, BIGAY NA BIGAY SA PAGKABADING!
Kahit na hating-gabi pa nag-umpisa ang screening ng isa sa closing films ng Cinemalaya noong Linggo na ‘Zombadings One: Patayin sa Shokot si Remington’, marami pa rin ang naghintay at pumila para mapanood ang pelikula.
Si Martin Escudero ang bida sa pelikulang ito at talaga namang pinalakpakan ng mga manonood ang kanyang epektibong pagganap bilang si Remington, ang binatang sinumpa noong bata siya dahil sa madalas niyang pang-aalaska sa mga bading. Sinumpa siya ng karakter ni Roderick Paulate na sa paglaki nito ay magiging ganap din siyang bading.
Humiyaw ang mga manonood sa mga eksena niya, kung saan pinipigilan niyang magbitiw ng ‘beki’ words, pero lumalabas pa rin ito. Halatang pinag-aralan ng dating Starstruck star ang karakter na itinoka sa kanya.
Kasama rin sa pelikula sina Eugene Domingo, Janice de Belen, John Regala, Leandro Baldemor, Daniel Fernando, Marian Rivera, Lauren Young at Kerbie Zamora, na gumanap bilang ‘best friend’ ni Remington.
Ito na ang pelikulang magpapatunay na may ibubuga sa aktingan ang Kapuso turned Kapatid star. Award!
DIANA ZUBIRI, DINEDMA ANG ‘BAHAY BATA’!
Kung halos lahat ng artistang involved sa mga kalahok na Cinemalaya entries ay proud na proud sa pag-attend sa presscons at screenings nito, kabaliktaran naman ang ginawa ng sexy actress na si Diana Zubiri. Marami ang nadismaya dahil ni hindi ito nagpakita sa gala night ng pelikulang Bahay Bata, na siya pa naman ang bida.
Ginampanan nito ang papel ng isang nurse na nababagabag dahil sa unwanted pregnancy sa karelasyong doktor na may asawa na. Ito pa ang natokang mag-overtime sa isang public maternity hospital dahil kinulangan sila ng staff sa bisperas ng Pasko.
Maganda sana ang material na ito bilang comeback film dahil samantalang nawala sa sirkulasyon ang Kapuso star. Kung na-ging active lang sana ito sa promo ng pelikula, naging maingay sana ulit ang pangalan niya.
Show Twitz
Pinoy Parazzi News Service