MARAMING BAGONG rap artists ang nagsusulputan ngayon. Tumitindi ang competition sa linya ng rap pero hindi raw nati-threaten si Gloc 9.
“Ako po ay natutuwa,” aniya. “Dahil siyempre, nabibigyan ng pagkakataon ang ibang rap artist na ipakita kung ano ‘yong maiu-offer nila. At the end of the day, ‘yan po ay trabaho para sa lahat. So, it’s always okay. Para po sa akin ang competition ay hindi against sa iba, e. Ang competition palagi ay nasa tao, e. Nasa ‘yo. Ikaw ang pinakamatindi mong competitor dahil ikaw ang magsasabi kung kaya mo pang patagalin ang trabaho mong ito or… hindi na.”
May mga nagsasabi, ang maituturing na pinakamahigpit daw arch rival niya ngayon sa larangan ng pagra-rap ay si Abra. Ano ang reaksiyon niya?
“Ako po ay natutuwa rin sa tinatamasa ng aking kapatid na rapper na si Abra. Pero katulad po ng sinabi ko, wala po akong tinitingnan na kakumpitensiya. Dahil ang kakompitensiya ko po lamang ay ang sarili ko. Ako po ang susulat ng kanta ko, e. Hindi naman po si Abra ang susulat ng kanta ko, e. So, hindi po gano’n.”
Bago siya sumikat bilang rapper, ang namayapang si Francis Magalona raw ang iniidolo niya noon na naging inspirasyon niya during his struggling years.
“Wala naman po akong ibang pangalang masasabi talaga, e. Si Francis M po ay ang aking foundation when it comes to writing my lyrics… writing my songs.”
Kanino naman sa mga bagong sulpot na rap artists niya nakikita ang kanyang sarili?
“Ang hirap pong i-compare ng sarili ko sa iba dahil iba po ang pinanggalingan ko pagdating sa paghabol ko ng dream na ito. Ako po ay taga-probinsiya, e. Ako po ay taga-Binangonan, Rizal. Hindi po ako kasing-privileged na makita muna sa YouTube bago ako mapakinggan ng tao, e. Dumaan po ako sa process of submitting demos sa bawat label na pinupuntahan ko. Seven o eight years akong nagtiyaga na pagtrabahuhan kung anuman ang kinalalagyan ko ngayon. Marami akong nakikitang magagaling na sumisibol ngayong rap artists. Si Smig Glass, magaling. Si Looney rin. Ako ay fan palagi ni Looney. Maraming-marami pa, e. And I wish everybody the best of luck sa lahat ng endeavors nila. And ‘yon nga, at the end of the day… it’s always trabaho para sa lahat.”
Iri-release na ang DVD documentary ni Gloc 9 Na Biyahe Ng Pangarap sa November under Universal Records. Magkakaroon din siya ng concert kasama sina Yeng Constantino at Rico Blanco sa November 21 sa Araneta Coliseum.
Rubbing Elbows
by Ruben Marasigan