NAKU! NGAYON ko lang nalaman na muntik na palang naloko ang alaga kong si Glydel Mercado ng ilang tauhan ng Maynilad. Parang may kinalaman pa ang isang kamag-anak niya na nanloko rin sa kanya.
Nangyari raw ‘yun sa dalawang tindahan niya sa Blumentritt sa Maynila na kung saan sinabihan daw siya nitong taga-Maynilad na tampered ang metro ng tubig niya.
Eh, parang may kinalaman din ‘yung pinalayas niyang kamag-anak na pinagkatiwalaan niya nang husto. Iyon pala, kinukuha ang pera niya ginagamit pang-casino at sa lalaki niya. Bading kasi itong kamag-anak niya na matagal nang naninirahan sa kanya at pinagkatiwalaan talaga.
Nu’ng nadiskubre niyang malaki na pala ang nanakaw sa kanya, pinakulong niya ‘yun pero nakalabas din dahil nagpiyansa. Tapos, binaligtad ang mga kuwento, kinasuhan siya sa Labor, kaya ‘yun pa ang dinidinig ngayon.
Nadagdagan pa nitong taga-Maynilad na sinisingil daw siya ng 97 thousand pesos para ayusin ‘yung na-tampered daw na metro. Kaya nakiusap si Glydel na kung puwedeng bawasan, hanggang sa nagkasundo sila sa 18 thousand yata, at bayaran daw ng 3 thousand ‘yung mag-aayos.
Pero duda na si Glydel na parang modus operandi ito, nagpatulong siya sa mga pulis. At doon nga ginawa ang entrapment.
Ayun! Nahuli naman at nalaman nilang marami na pala silang nabiktima. Tapos ‘yung isang nahuli, nakita na marami siyang hawak na ID ng iba’t ibang kumpanya. Kaya mukhang matagal na nila itong raket.
Pursigido si Glydel na ituloy ang kaso para hindi na sila makapambiktima ng iba.
Dapat na maayos na rin ni Glydel itong kamag-anak niyang nanloko sa kanya at ituloy na talaga ang kaso, at huwag na siya paareglo.
Mga Mata ni Lolita
by Lolit Solis