AYON SA Department of Health o DOH, padami na nang padami ang porsyento ng mga kabataan na dumadanas ng obesity o ang sobrang katabaan. Nakaaalarma ito dahil alam naman natin na maraming sakit ang kakabit ng isyung ito. Paano pa kaya ngayong pasukan na naman, may panahon pa kaya ang mga bagets na makapagbawas ng timbang?
Maraming naglalabasang diet plans o mga iba’t ibang kombinasyon ng ehersiyo. Mayroon pa ngang mga food supplement din. Kaso, hindi naman nakasisiguro rito ang kaligtasan mo. Para bang imbes na mabawasan ang timbang mo, baka naman taon ang mabawas sa buhay mo kung susubok ka ng mga hindi makapagkakatiwalaang istratehiya ng pagpapapayat.
Sa kabila nito, may isang diet plan na bukod-tangi sa lahat, at ito ang GM Diet o General Motor Diet. Ang pangako ng GM diet ay papayatin ka nang apat hanggang limang kilo sa loob ng pitong araw. Oo, pitong araw nga. Paano kaya ‘yun?
Binansagan ang GM Diet bilang “healthiest and most focussed way to lose weight”. Ito ay sa kadahilanan na may susundin kang istriktong diet plan sa loob ng pitong araw.
Sa Day 1, kinakailangan mong bigyan ang katawan mo ng natural fruits na mayaman sa fiber. Ito kasi ang maghahanda sa katawan mo sa iyong pagbawas ng timbang. Kahit anong prutas, lalung-lalo na ang pakwan pero huwag lang mangga at saging.
Sa Day 2, lahat ng gulay mas mainam kung steamed. Kasi ito ang magbibigay sa katawan mo ng enerhiya sa iyong buong araw.
Sa Day 3 naman, maraming-maraming prutas at maraming-maraming gulay. Walang hangganan ‘yan. Pero tandaan bawal ang patatas, saging, mangga, at avocado.
Sa Day 4, kinakailangan mong kumain ng walong saging at uminom ng apat na baso ng gatas. Walang labis, walang kulang. Ito ang magbibigay ng kinakailangan mong potassium sa katawan lalo na’t nasa kalagitnaan ka na ng pagbabawas ng timbang.
Sa Day 5 naman, high protein diet ang kailangan mo kasama na rito ang karne ng manok at isda. Samahan mo rin ng maraming kamatis. Nararapat lang din na sa araw na ito, maraming tubig ang inumin mo. Ito ay para malinis ang iyong body system at matulungan ang regular mong paglabas ng acid sa katawan.
Sa Day 6, high protein diet ulit. Para bang unlimited meat na ito! At siyempre maraming-maraming-maraming tubig ulit. Ito ay para makakuha ang iyong katawan ng sapat na protina at bitamina mula sa karne at gulay. Ito rin ang magpapalakas sa iyong katawan lalo na’t panigurado na sa araw na ito, ikaw ay nakapagbawas na ng timbang.
At sa Day 7, kailangan mong kumain ng brown rice, fruit juice at gulay. Ito na ang magsisilbing iyong “cheat day” o reward matapos mong masunod ang istriktong diet plan.
Tandaan mga bagets, sa iyong pagsasagawa ng GM Diet, kinakailangan mong uminom ng hanggang sa walong basong tubig bawat araw. At samahan pa rin ito ng kahit 10 minuto na ehersiyo. Paalala lamang, sundin nang mabuti ang mga nakasaad. Disiplina, ‘ika nga. Ano na, challenge accepted ba?
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo