Go forth and multiply

HUMAYO KAYO AT magparami, kalatan ninyo ang buong lupa, at inyong supilin.

Ito, parekoy, ang banal na utos ng Diyos bago nag-umpisang mag-honeymoon ang mag-asawang Adan at Eba.

Ito rin ang salitang malimit gamitin ng mga kumukontra sa RH Bill.

Ayon sa kanila, magpakarami raw kaya hindi dapat supilin ang paglobo ng populasyon.

Sa utos na ito ng Diyos ay maliwanag na gusto ng Simbahang Katoliko na sundin ang kalahati lang.

Gusto nilang sundin ang salitang magpakarami pero ayaw nilang sundin ang karugtong na salita na “inyong supilin”.

Sa isang matinong pag-iisip, ang unang utos ay magpakarami kayo, pero ‘pag nakalatan na ninyo ang buong lupa ay dapat na ninyong supilin.

Maliwanag, parekoy, na napakarami ng tao sa mundo partikular na sa Pilipinas, katunayan, ang napakaraming matatanda ay pinaaalagaan na lang sa Home for the Aged, ang napakaraming bata ipinapaubaya na lang sa bahay-ampunan at ang mas marami pa ay nagkalat sa kalsada at walang makain.

Ang tanong ko sa mga kumukontra sa RH Bill na gumagamit ng bersikulong ito sa Biblia, kailan ba natin dapat supilin?

Ngunit para maliwanagan ang argumentong ito dapat nating aminin na ang nasabing utos ng Diyos na magpakarami at kalatan ang buong lupa (‘wag na muna nating banggitin ang “inyong supilin”) ay ibinigay ng Panginoon kina Adan at Eba.

Tumpak, parekoy, sapagkat sa milyon-milyong ektarya sa buong mundo na inihanda ng Diyos sa sangkatauhan ay sino ang makikinabang kung hindi magparami sina Eba at Adan?

Pero mula nang makita ni Kristo na nakalatan na ang buong lupa, dumami na ang mga tao, ‘ika nga, naghalo na ang masama at mabuti, nagdi-debate na ang mga totoo at ipokrito, nag-utos ba siya na magpakarami?

Nu’ng makita ba ni Kristo na may pamahalaan na si Caezar at may mananampalataya ang Diyos, nag-utos ba siya na magpakarami?

Hindi na, parekoy.

Maliwanag ang utos ni Kristo, ibigay kay Caezar ang kay Caezar, at sa Diyos ang para sa Diyos.

Ibig sabihin, hayaan ang gobyerno na gumawa ng batas, hayaan ang batas na turuan ang mga tao kung paano magplano ng pamilya at sa panig naman ng Diyos ay hayaan ang mga mangangaral na turuan ang kanilang mga miyembro kung ano sa Family Planning Method na isinabatas ang dapat nilang gamitin ayon sa kanilang pananampalataya.

Praise the Lord!

INAANYAYAHAN ko po kayo na makinig sa aking radio program na ALARMA KINSE TRENTA, Lunes-Biyernes, 6-7 am sa DZME o kaya ay mag-log-on sa www.dzme1530.com o mag-e-mail sa [email protected]  o mag-text sa 09152121303.

Target
ni June Briones
[email protected]
09152121303

Previous articleHulog sa housing loan, may refund?
Next articleHunk personality, ‘humahada’ ng bading basta mayaman?!

No posts to display