SA ENERO, nakaamba ang pagdodoble ng si-ngilin ng PhilHealth at ito ay magiging P2,400 na kada taon. Sa aking mga nagdaang kolum, tinalakay ko ang napakaraming singilin sa isang OFW, hindi pa man siya nakalalabas ng Pilipinas.
Nand’yan ang pangongolekta ng $25 taun-taon ng OWWA mula sa ating mga OFW. Ito ay sapilitan o mandatory. Meron pang mandatory health insurance para diumano mabayaran ang perhuwisyo sa OFW oras na siya ay abusuhin o imaltrato.
Ang POEA, sa pamamagitan ng Memorandum Circular 06-2010, ay pinagbabayad ang OFW, oras na siya ay ma-deploy, ng membership contribution na aabot sa P600 ($13.70) buwan-buwan sa loob ng anim na buwan. Ito ay kaugnay ng RA 9679 o Home Development Mutual Fund Law of 2009 na nagbibigay ng coverage sa informal sectors.
Ang e-passport naman ay nagkakahalaga ng: P1,200 ($27) o P250 ($5.70) para sa rush processing, na aabot ng 10 working days; at P750 ($17) o P200 ($4.56) para sa regular processing, na aabot ng 20 working days.
Lumalabas na lahat-lahat, ang isang migrante ay magbabayad sa gobyerno ng kabuuang P22,240 sa pamamagitan ng iba’t ibang fees na kinokolekta ng iba’t ibang ahensiya. Hindi pa kasama rito ang babayarang placement fee ng isang aplikanteng OFW.
Eh, kumusta naman ang serbisyo ng gobyerno sa inyong mga OFW?
LIBRENG PAYO! I-TEXT N’YO AT SASAGUTIN KO! PM <space> saklolaw <space> ang inyong katanungan at i-send sa 2948 (for Globe, Smart and Sun users). E-mail: [email protected].
Ayuda sa OFW
By Ome Candazo