SIMULA NANG mawala ang Priority Development Assistance Fund o mas kilala sa tawag na pork barrel sa Kongreso, marami sa mga mambabatas dito ang mabilis na nakahanap ng bagong pagraraketan. At ito ay ang Bureau of Customs (BOC).
Ilan sa kanila ay naging smuggler, samantalang ang iba ay patong sa mga big time smuggler. At mayroon ding mga nanggugulo at namemera lang sa mga player at maging sa mga opisyal ng Customs.
Ang ginagamit ng mga congressman na mabisang sandata sa kanilang mga modus operandi sa loob ng bureau ay ang takutin ang mga kawani ng BOC na ipatatawag sa Kongreso at paiimbestigahan kapag ayaw sumunod sa kanilang mga kapritso.
ISANG KONGRESISTA sa Region 2 ang naharangan ng kargamento ng BOC sa Port of Subic kamakailan. Nagtangkang magparating ang nasabing mambabatas ng dalawang ATV off-road vehicle.
Pero nadiskubre ng Customs na aabot sa 46% na halaga ng kanyang shipment ay undervalued kung kaya’t ito’y inirekomendang isyuhan ng warrant of seizure and detention. Inakala ng Kongresista na pagbibigyan ang kanyang pakiusap sa mga kawani ng Aduana patungkol sa kanyang kargamento, pero nabigo siya.
To make a long story short, ipinatatawag niya ngayon ang ilang opisyal ng BOC sa Kongreso para roon ay kanyang ibu-bully.
Ngunit nang bumisita si PNoy sa probinsya ng nasabing kongresista kamakailan, nakatikim naman siya ng pasaring mula sa Pangulo. Sinabi ni PNoy sa kanyang talumpati roon na may mga politiko raw na kunwari ay kakampi, iyon naman pala ay hindi.
Paano ba naman, bagama’t kaalyado ng partido ni Congressman ang LP, sa kanyang mga pahayag tungkol sa mga isyu kay Vice President Jejomar Binay, tahasang kumakampi siya sa Bise Presidente. Nagmimistula pa siyang spokesperson nito.
IBA NAMAN ang raket nitong isang kongresista na mula sa Region 8. Siya ang padrino ng galamay ng umano’y mega smuggler na si “Manny Santos”. Matapos madawit ang pangalan ni Santos sa mga imbestigasyon tungkol sa big time smuggling ng mga bigas sa bansa noong nakaraang taon, nag-laylow ito at siya’y pinalitan ng kanyang tauhan na kilala sa alyas “Egay”.
Si Congressman at si Egay ay iisang baryo lang ang pinanggalingan sa Kabisayaan at malayong magkamag-anak. Ang modus naman ng congressman na ito ay ang ipahuli at ipaharas ang mga kargamento ng mga kakumpetensiya ni Egay lalo na sa Resins para sa bandang huli, mapilitan ang mga itong ilipat ang kanilang mga trabaho kina Egay.
Ang mga opisyal ng Customs na pumapalag na makipagsabwatan sa raket ni Congressman, sila ay binabantaang pagrereportin sa Kongreso para imbestigahan ang mga smuggling activities kuno sa BOC. Pero ang talagang pakay ng mambabatas na ito ay para i-bully lang ang kanyang mapatatawag na mga opisyal para matakot at sumunod sa kanyang mga gusto.
At ang mga player na hindi kakumpetensiya ni Egay ay pineperahan naman ni Tongressman. Pareho pa rin ang modus, kapag ayaw magbigay ng isang player, ipahuhuli niya ang mga kargamento nila.
Si Congressman ay sertipikadong balimbing at trapo. Dati siyang kaalyado ni Gloria Macapagal-Arroyo. Pagbaba ni Arroyo sa puwesto, nag-over da bakod ito sa poder ni Noynoy Aquino.
ITONG ISANG Congressman sa NCR ay padrino umano naman ng isang super smuggler na gumagamit ng alyas “JR Tolentino”. Bago naging politiko si Congressman, naging miyembro siya ng gabinete ng mga nakaraang Pangulo at humawak ng magagandang puwesto.
Hindi naman siguro bobo itong si Congressman para hindi niya malaman na ang dating partner at kapatid ni Tolentino sa smuggling ay nahulihan noon ng droga ang kargamento. Bagama’t humina at nawala na sa radar ng BOC si Ruel simula ng ito ay magkaroon ng karamdaman, ipinasa naman niya ang kanyang negosyo kay JR.
Bagama’t Resins ang isa sa mga klase ng kargamento na ipinararating ni Tolentino, hindi nito nakababangga si Egay sapagkat parehong kongresista ang kanilang mga padrino.
At nakasisiguro tayong hindi bobo si Congressman para hindi niya malaman na ang kanyang pinapatungang smuggler na si JR ay isang talamak na sugarol na kayang magpatalo ng milyun-milyon linggu-linggo sa sabong at casino.
Ang tanong sa loob ng Aduana, bakit mistulang may minahan ng pera si JR at hindi maubus-ubos ito? Panahon na siguro para usisain ni Congressman kung ano ang laman ng mga kargamentong ipinararating ng kanyang pinapatungan.
ANG PAG-IMPORT ng ukay-ukay ay ipinagbabawal sa ating batas, kaya ginagawa ng lahat ng nagpaparating nito ay smuggling ang modus operandi. Pero bakit pinayagan ng Department of Finance (DOF) itong isang nagngangalang Aron Ang na makapag-import ng ukay-ukay sa pamamagitan ng Clark at PEZA freeport?
Pinayagan ng DOF si Ang na maging importer ng ukay-ukay sa kondisyong ima-manufacture niya ang mga ito para maging rags, at ang finished product ay kanyang ie-export.
Ang malaking tanong, bakit binigyan ng special permit ng DOF si Ang para sa ganitong klaseng arrangement nang hindi nito binubusisi kung mayroon ba talagang mga makina at pagawaan si Ang ng mga rags?
Ayon sa ilang mapagkakatiwalaang source sa Clark at PEZA, ang mga ukay-ukay na kargamento ni Ang ay binabagsak sa Divisoria at Baguio sa halip na ito ay idiretso sa isang manufacturing warehouse.
Ayon pa sa mga source na ito, mismong mga security at ilang opisyal ng Clark at PEZA ang kasabwat sa pagpupuslit umano ng mga ukay-ukay na ito palabas ng freeport.
SINO BA itong “Julie” sa BOC at kaya niyang magpa-alert ng mga kargamento sa mga kawani ng Aduana? Si Julie ay isang malaking importer at broker ng iba’t ibang klaseng shipment.
Pero may mga kumakalat na balita na kagrupo umano ni Julie ang isang nagngangalang “Bokaling” na dating kawani ng NBI. At si Bokaling naman daw ay sanggang-dikit ni Egay na kilalang pinapadrino ng isang congressman.
Walang kaduda-duda na puspusan ang ginagawa ng pamunuan ng BOC para sugpuin ang lahat ng uri ng smuggling. Pero ang siste, kahit anong klaseng pagpupursige ang gagawin ng mga kawani nito kung ang mga nasa likod ng mga smuggler ay mga Congressman na kaya silang ipatawag sa Kongreso para bully-hin at duruin. Ano ang kanilang panangga laban dito?
At paano kung ang ibang mga ahensya ng ating gobyerno, sa halip na makipagtulungan sa BOC para masugpo ang problema sa smuggling, sila mismo ang kumukunsinti rito sa pamamagitan ng padalus-dalos na pagbibigay ng mga special permit?
Ang inyong lingkod ay napakikinggan at napanonood sa 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-878-8536 at 0917-792-6833.
Shooting Range
Raffy Tulfo