Golden strand sa buhok ni sec. Dinky

 

EWAN KUNG BAKIT exciting sa akin ang golden strand sa buhok ni Secretary Dinky Soliman. Bagets at give-me-five ang dating. Siyempre, grabe.

Paborito kong miyembro ng gabinete si Dinky. Kinalimutan kong nagtaksil siya kay dating Pangulong GMA nu’ng kasagsagan ng impeachment sa huli nu’ng taong 2005. Kinalimutan kong sabit siya sa ‘peace bond scandal’ nu’ng siya’y nasa gabinete pa ni GMA.

Mahalaga, balik-lingkod siya sa bayan. Abalang-abala siya sa pagpo-promote ng dole-out mentality sa ating mahihirap sa pamamagitan ng pamimigay ng salapi under the Conditional Cash Transfer (CCT) program. May panahon pa kaya siyang umawit ng “If We Hold On Together”? Ay, naku, giit ni Mang Enteng, ang awit na ‘yan ay awit ng kataksilan. Lubayan na natin si Dinky.

May isa akong pakiusap kay Dinky: Please naman, pakiasikaso ang isang katutak na nanlilimahid, gutom at payat na street children na naglipana sa buong Kamaynilaan. Alam mo na may pananagutan ang pamahalaan sa kanilang kahabag-habag na sitwasyon. ‘Di ba basic responsibility ‘yan ng iyong departamento? ‘Wag ka nang makisawsaw lang sa child abuse case kung ito ay nasa media. Kagaya ng karima-rimarim na pagsawsaw sa child abuse issue ni Willie Revillame. Gawin mo nang tamihik ang dapat gawin.

Tsismis ay napalakas ni Dinky kay P-Noy. Tsismis na ang dahilan ay ang kanyang ama ay dating mataas na opisyal sa Hacienda Luisita. Malalim ang ugat ng samahan. Ergo, what Dinky wants, Dinky gets. Biro ng isang humahalikhik na si Mang Enteng.

May huli akong pakiusap kay Dinky. Puwede kayang palitan na ng rainbow color ang strand of hair mo para hindi masyadong matingkad sa mata?

MARAMING NAIINTRIGA KUNG ngiti o simangot ang laging naka-plaster sa mukha ni Secretary Kim Henares. Sa mga TV interviews at larawan sa pahayagan, ‘di maitatago ito. ‘Yung iba, nakukyutan. ‘Yung iba, medyo naaasar. Maraming naaantipatikuhan.

Ay, ang publiko talaga lahat nakikita! Anong kinalaman ng ngiti o simangot ni Sec. Kim Henares sa kanyang pamamalakad ng BIR. Bakit pati ito pinupuna?

Kasi, dating ay plastik. Parang nakakaloko. Parang hindi sinsero. Naku, ang pangit tingnan sa colored TV. Hinagpis ni Aling Simang.

Hanep kayo. Mahalaga, makapag-deliver ‘yung tao ng sapat na revenue upang maiahon ang bayan. Kita mo, dami na niyang kinasuhan ng tax evasion. Habla rito, habla roon. Pinapalakpakan siya ni P-Noy, maski ang huli ay abala sa paglalaro ng PS. Performer. Doer. Pagtatanggol ni Mang Enteng.

Sa kanilang palitan ng pananaw, napa-ismid na lang ako. Wala akong mapiling kilingan. Pareho silang tama. At sa tingin ko, hindi naman personal ang obserbasyon nila. ‘Wag sanang magalit si Kim. Talagang ganyan ang public official. Parang isang isda sa aquarium na pinapanood ng lahat. ‘Yan ang presyo ng public service. Ang unang mapikon o sumimangot ay talo.

Si Kim ay isa lamang sa iilan na performer sa gabinete. Lahat halos ay pinupulot sa kangkungan. ‘Yan marahil ang dahilan kung bakit ganito pa ka-miserable ang buhay ng Pinoy. Sangkatutak ang ipinangako sa atin nu’ng eleksyon. Mahigit nang isang taon, ala pang nangyayari. ‘Yung tuwid na daan, makakain ba natin ‘yan? Tanong ni Mang Fermin, isang fishball vendor.

Payo ko kay Kim: “Kung ganyan talaga ang ngiti mo, okay lang. At least, ikaw ‘yan.”

SA EDAD NA 68, may isang paminsan-minsang kalungkutan akong nararamdaman na hindi maipaliwanag.

‘Pag minsan, lagi akong balisa. At parang laging may hinahanap. Nitong mga huling buwan, ewan kung bakit bigla kong naisipan na bumisita sa baryo ng aking kapanganakan sa San Pablo, Laguna. Pinuntahan ko ang elementary school, ang munting kapilya, at ilog ng aking pagkabata. Nanlumo ako. Lalo akong nanlumo nu’ng makita ko ang aking mga dating kalaro na karamihan ay may sakit at sa wari ko’y naghihintay na lang ng tawag.

Sa loob ng apat na dekada na hindi ako nakabalik, pareho rin ang kalagayan ng aking baryo. Naghihirap ang mga tao. Baku-bako pa ang daan. Walang kahit anumang senyales ng progreso maliban sa isang black-and-white TV sa isang sari-sari store.

Ano ang pangalan ng kalungkutang ito?

Quip of the Week:

Tanong: “Ano ang highest paid na trabaho sa mundo?”

Sagot: “Magpunas ng pawis ng barko.”

PITIK-BULAG
By Ike C. Gutierrez

Previous articlePambihirang senado at sugal ni Aging Lisan
Next articleTutukan at bibitagin ang mga wanted

No posts to display