MAGKASAMA sa kauna-unahang pagkakataon ang pinakasikat na artista sa Asya na sina Gong Yoo at Park Bo Gum para sa human drama movie na Seobok.
Isa itong pambihirang pagsasama sa pelikula ng dalawa at dahil nakita nina Gong Yoo at Park Bo Gum kung gaano ka-espesyal ang pelikulang Seobok kaya pinaghandaan nilang maigi ang kanilang mga role.
Matinding pagbabawas ng timbang ang ginawa ni Gong Yoo para magampanan ang kanyang role bilang isang lalaking neurotic at may malalim na trauma at takot sa nalalapit niyang kamatayan. Lahat ng emosyon na ito ay nagawa ni Gong Yoo, habang nakakapagbigay pa rin ng maa-aksyon na eksena bilang isang ex-agent.
Kakaibang Park Bo Gum din ang makikita sa pagganap niya bilang isang human clone, na kailangang magpakita ng kamusmusan ng isang bata, at galit na parang sa isang hayop. Ipapakita ni Park Bo Gum ang kanyang ibang kakayahan bilang isang aktor.
Sa Seobok ay isang dating Intelligence agent si Gong Yoo na mag-isang namumuhay dahil sa trauma ang pinagkatiwalaan ng kanyang dating boss para sa isang secret mission — ang ilipat sa isang ligtas na lugar ang kauna-unahang human clone na si Seobok (Park Bo Gum).
Ngunit masisira ang misyon sa pag-atake ng mga di kilalang tao sa kanilang convoy. Makakatakas silang dalawa ngunit marami silang problemang haharapin, lalo na’t unang beses lang makalabas ni Seobok sa totoong mundo, na buong buhay niya ay nakatira lang sa isang laboratoryo.
Ang Seobok ay hatid ng VIVA International Pictures at MVP Entertainment. Mapapanood na ang kakaibang on-screen chemistry ni Gong Yoo at Park Bo Gum sa mga multimedia platforms na ktx.ph, iWantTFC, SKY PPV at Vivamax.