MALAYUNG-MALAYO SA mga lumabas na report kontra sa kanya ang pagkakakilala ko kay dating NBI Director General Magtanggol Gatdula.
Una kong nakilala si Gatdula nang siya ay maupo bilang director ng Quezon City Police District (QCPD) maraming taon na ang nakakaraan. Mabilis na napaha-nga ni Gatdula ang inyong lingkod lalung-lalo na ang mga masugid na tagasubaybay ng WANTED SA RADYO.
Ang lahat kasi ng reklamo laban sa mga abusadong pulis ng Quezon City ay walang takot na agad niyang inaaksyunan. Wala akong matatandaan ni minsan na ipinagtangol niya ang kanyang mga tauhan sa QCPD na isinumbong sa WSR noon dahil sa katiwalian.
Para sa akin, ang ganitong klaseng katangian ng isang opisyal ay isang magandang senyales at patunay na rin na siya ay diretso. Kaya niyang banggain at disiplinahin ang mga tauhan niyang nasasangkot sa kalokohan sapagkat wala silang mapulaan sa kanya – wala kasi siyang bahong itinatago at hindi siya tiwali. Bukod sa matino, isa ring masipag at masigasig na opisyal si Gatdula.
May mga pagkakataon pa nga na kahit siya ay nasa kalagitnaan ng isang conference noon, kapag tumawag ang WSR, sinasagot niya ang kanyang cellphone dahil alam niyang ang tawag naming iyon ay may kinalaman sa isa na namang maliit na mamamayan na inapi ng kapulisan. May mga pagkakataon din na isinasantabi niya noon ang kanyang mga appointment para lamang hintayin ang maaatraso na paparating pa lamang na mga complainant sa kanyang tanggapan.
General Gatdula, Sir, good luck!
MALAKAS ANG ugong-ugong na marami sa mga NBI insider ang nag-apply para sa iniwang posisyon ni Gatdula. Wala akong nakikitang problema rito, bagkus sinusuportahan ko pa nga ito dahil mas katanggap-tanggap sa mga taga-NBI na ang kanilang magiging lider ay manggagaling sa kabaro nila. Ito ay makatutulong para tumaas ang moral ng kanilang rank and file.
Pero magiging problema lamang ito kapag nagpadalus-dalos ang Department of Justice (DOJ), ang ahensiya na tagapangasiwa sa NBI, sa pagrekomenda sa Malacañang ng NBI insider na papalit kay Gatdula.
Dapat masusing imbestigahan ang background o history ng aplikanteng insider. Tulad ng lahat ng ahensiya sa ating pamahalaan, marami ring mga “bulok na itlog” sa NBI, ito man ay maging sa hanay ng mga agent o mga opisyal.
Dahil napakaliit lamang ng budget ng NBI at hindi kalakihan ang mga suweldo ng mga kawani rito, marami sa kanila ang rumaraket. Ibig sabihin, dahil wala silang makurakot sa kaban ng NBI, pumapasok sila sa mga iba’t ibang klaseng negosyo o raket. Dito nagkakaroon ng conflict of interest sapagkat nagagamit nila ang kanilang posisyon sa NBI para maproteksyunan ang kanilang negosyo o raket.
May ibang mga rumaraket bilang mga customs broker samantalang ang iba naman ay rumaraket bilang mga gaming consultant ng mga sugal tulad ng small town lottery atbp. May iba rin na rumaraket bilang mga silent partner ng mga malalaking security agency.
May iba naman na dating pasok sa mga ilegal na gawain at marami ng tagong yaman ngunit nag-aantay lamang ng tiyempo na makuha ang pinakamataas na puwesto sa NBI at magamit niya ang kapangyarihan nito upang tumiba-tiba pa lalo.
Ang WANTED SA RADYO ay mapakikinggan sa 92.3 fm (Radyo5) Lunes hanggang Biyernes 2-4pm.
Shooting Range
Raffy Tulfo