PINATAY NA ang karakter ni Baron Geisler bilang Bungo, isa sa kontrabida ni Coco Martin sa FPJ’s Ang Probinsyano nitong Martes (Oct. 15) ng gabi na napapanood sa primetime block ng ABS-CBN.
Ayon kay Baron sa exclusive interview ng PUSH, bitter-sweet na maituturing ang pagtatapos ng kanyag character sa longest running teleserye ng bansa.
“Sobrang saya ko… bitter-sweet. Bitter dahil mami-miss ko yung mga taong nakasama ko for seven months sa show. Opo, ganun na katagal at ganun kabilis, ba?
“Sweet naman dahil makaka-release na ako don sa masama kong character. Kasi lalo na ngayon na marami pa akong proyektong gagawin for the Knights of the Circle, yung Christian group namin, makaka-focus na ako don sa mga proyekto namin as ambassador,” paliwanag ng mahusay na aktor.
Sobrang grateful din daw siya na naging bahagi siya ng programa ni Coco.
Masaya din si Baron sa importansyang ibinigay sa kanya ni Coco kahit sa ending ng karakter niya sa Probinsyano kung saan nandoon ang buong Task Force Aguila sa eksena.
“Unang-una, nung kinausap pa lang ako sa umpisa ni Direk Coco, sabi niya malaking role ito, so ayusin ko. So inayos ko naman. Wala naman silang naging problema. Kaya siguro nila ako binigyan ng magandang ending, di ba? Madali ka namang patayin don,” lahad pa ni Baron.
“Ganun pa man, happy ako sa ending ko kahit patay siya, patay yung Bungo – happy para sa akin at nakalabas na rin ako sa ganun kasamang character ko kasi hindi talaga ako nakaka-focus sa ano ko, eh. Opposite siya do’n sa gusto kong gawin as ambassador,” lahad pa ni Baron.
Pero open pa rin ba siyang tumanggap ng kontrabida roles in the future.
“Okey naman, kaya lang huwag naman yung kasing sama ni Bungo, kasi ang sama niya, eh. Nakakadala (carried away) minsan, eh. Nakakabagsak ng soul. Alam mo yung magme-med prayer ako and meditation, tapos pupunta ako don (sa taping) para sumigaw, puro kasamaan, contradicting siya do’n sa calling ko. So, ang hirap, ang hirap timplahin. Nakakagulo ng utak.
“Kaya ako, happy na rin ako and grateful na nabigyan ako ng ganung pagkakataon, napakalaki nito, number one show ito sa buong Pilipinas,” dagdag niyang pahayag sa panayam ng PUSH.