“SALAMAT, MAY Google.” Google na nga siguro ang may pinakamaraming papuri at pasasalamat na natatanggap mula sa mga tao lalung-lalo na mula sa mga kabataan. Paano ba naman, sa isang click mo lang, lahat ng hinahanap mo nasa Google na. Lahat ng katanungan mo, kayang sagutin ng Google. Kahit nasaan ka man, kahit anong oras pa iyan basta ikaw ay may Internet, asahan mo, hindi ka bibiguin ng Google.
Sabi nila, kapag ang isang brand ay parte na ng pang-araw-araw nating mga salita o ginagawa na natin itong verb o pandiwa, noun o pangngalan ng ating pangungusap, ibig sabihin lang nito ay may kakaibang impluwensiyang nadulot ang brand na ito. Sa mga nakaraang taon, buwan, linggo at araw, maaalala mo bang sinasabi ang mga linyang ito? “Uy, i-google mo na.” “Na-google ko na assignments.” “Sa Google mo na lang tignan”. “Sabi sa Google…” Pamilyar hindi ba? Lalo na kapag pasukan at tambak ng mga proyekto, research at assignments sa eskuwela, Google ang nagiging karamay mo.
Kaya naman hindi na kataka-taka na itong nakaraan lamang, hinirang na “World’s Top Brand” ang Google. Matapos ng ilang taong pangunguna ng Apple sa listahan ng Top Brands, tinalo ito ng Google sa unang pagkakataon. Ayon sa Millward Brown, isang global company na binibigyang-pokus ang mga brands at media communications, ang Google din ay ang pinakamahal na brand matapos tumaas ang halaga nito nang 40% at naging 159 billion dollars na. Habang ang dating numero uno sa listahan ng tatlong taon na Apple ay bumaba ng 20% ang kanilang market value.
Hindi na rin naman kaduda-duda na ganito ang resulta dahil aminin naman natin, walang araw na puwedeng lumipas nang hindi nagagamit ang Google. Plus pogi points din ng Google ang kanilang maraming serbisyo bukod pa sa pagbibigay ng mga kasagutan niyo. Maliban sa pagiging isang web search engine, ang Google din ay mayroong online advertising technologies, cloud computing at software.
Taong 1998 nang naging isang pribadong kumpanya ang Google. Ito ay ginawa at pinangunahan nina Larry Page at Sergey Brin, mga PhD graduates ng Standford University. Ang Google din ay mayroong G-mail, isang software e-mail; Google Drive, isang office suite; Google+, isang social networking site; Google Chrome, isang browser-only at Google, isang search engine. Masasabi natin na lahat na nga mayroon ang Google.
Akalain mo na maging sa ating mga Android phones at tablets ay narating na rin ng Google. Sa mga Android phones ang hawak diyan, tingnan n’yo, ‘di ba, Google ang operating system ng mga ‘yan. At ‘di lang iyon, pati wifi napuntahan na rin ng Google kaya nga mayroon na ngayon ng Google Fiber broadband service. Huwag n’yo rin kakalimutan na ang pinakasikat na YouTube ay pagmamay-ari na rin ng Google. Saan ka pa?
Mapakakanta ka talaga ng “Nasa’yo na ang lahat..” kapag Google ang pinag-uusapan. Sana lang lahat ng inobasyon na dala ng Google ay gamitin sa nakabubuti at hindi sa nakasasama tulad ng pandaraya o pambu-bully na talaga namang talamak sa mundo ng Internet ngayon. Kaya mga bagets, hinay-hinay lang sa paggamit.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo