HINDI MAIKAKAILA ang kahusayan sa pag-arte pagdating sa pelikula lalo na kung aksiyon ang aktor na si ER Ejercito na ngayon nga ay isang maga-ling na gobernador ng lalawigan ng Laguna. Kahit gaano pa siya ka-busy sa kanyang posisyon ngayon, ‘di pa rin niya nalilimutan ang kanyang pagiging isang artista. Kaya naman kapag may pagkakataon ay gumagawa pa rin siya ng pelikula.
Dalawa ang kanyang ginawang pelikula sa taong ito, ang El Presidente na sa susunod na taon ang target showing, at ang Asiong Salonga. Napakahaba ng istorya ng El Presidente, kung saan kapareha niya ang superstar na si Ms. Nora Aunor. Magpahanggang ngayon, hindi pa rin nakukumpleto ang buong movie, samantalang natapos na rin ang Asiong Salonga.
Labis na ikinagalak ni Governor ang naging pagbabago sa MMFF dahil napasali na ang Asiong Salonga sa festival ngayong Disyembre. Hindi na niya inaasahan na mapapasali pa ito ngayong taon, dahil sobra umanong madugo ang tema nito sa mga eksenang karumal-dumal na patayan. Hindi pa rin daw dumadaan sa screening ang movie, pero inaasahan na niyang marami ritong matatanggal na eksena.
Naisip niya noon na ipalabas ito sa susunod pang taon dahil gusto niyang muling buhayin ang mga lokal na action films na hindi na gaanong tinatangkilik ng mga kababayang Pilipino. Kaya nais umano niyang isulong sa Kamara na magkaroon ng Manila Film Festival for Action.
“Kawawa na kasi ang ating industriya ng pelikula kung lagi ay ang foreign action movie ang mas gutong panoorin ng ating mga kababayan. Paano na rin ang ating mga artista lalo na ang mga talents na magagaling sa aksiyon? ‘Di na sila gaanong nabibigyan ng trabaho?” pahayag ni Gov.
Kaya na rin umanong gumawa ng isang dekalidad na action film ang mga Pilipino kung nanaisin. Hi-tech na rin umano ang mga kagamitan sa paggawa at kakayanin na ito ng production. Ha-ngad ni Gov. na magkaroon ito ng katuparan, hindi lang para sa mga Pilipino kundi para sa bayan.