SI DILG SEC. Ronnie Puno pala ang nasa likod ng panalo nina former presidents Fidel Ramos at Joseph Estrada. Bilang campaign manager, siya ang nasa likod ng strategic planning ng mga ito na nag-resulta sa pagkakalagay nila sa pinakamataas na posisyon sa bansa. Kaya nga tinawag siyang “King Maker.”
Pero, hindi pala siya ang Puno na nali-link kay Gretchen Barretto, kundi ang kapatid niyang si Dodie. Sa sampung magkakapatid na lalaki na pawang may mahahalagang katungkulan sa pulitika, media at iba’t iba pang sangay ng pamahalaan, mahirap tukuyin kung sino nga sa kanila ang nahihilig sa showbiz beauties, lalo’t nagkaroon din ng previous relationship si Dodie kay Alma Concepcion.
Hindi rin dapat indahin ang pagsasalpukan nila ni Gov. Vilma Santos bilang vice-presidentiables. Naniniwala kasi si Sec. Puno, na hindi matutuloy si Gov. Vilma sa pag-aambisyon na maging bise-presidente. Ewan kung aangal nito ang mister niyang si Ralph Recto na malaki ang kinalaman sa pangarap nitong tumaas pa ang katungkulan ng misis sa darating na eleksiyon.
Paborito niya ang soap operang May Bukas Pa at ang bida ritong si Zaijan Jaramilla (Santino), sobrang inspirado si Sec. Puno sa character nito. Isang batang may positibong pananaw sa buhay. Naapektuhan tuloy nito ang mga buhay-buhay ng mga taong nasa paligid niya. Isang programa itong, ayon sa kanya, nakaka-inspire sa sambayanang Pilipino. Tuwang-tuwa siya nang malamang top rating pala ang soap na ito at nangangailangang i-extend hindi lang dahil sa mas maraming problema ang nasosolusyunan nito, kundi ang patuloy na kagustuhan ng mga sikat na artistang maging panauhin sa soap.
Tulad ng bidang si Santino, punong-puno rin si Sec. Puno ng pag-asa kahit sangkatutak ang problemang hinaharap ng ating bayan. Naniniwala siyang babalik din sa dati ang kalagayan ng ating bayan. Mararanasan din muli natin ang masasayang panahon na dinanas ng ating mga ninuno.
Nakikipagtulungan din si Sec. Puno sa Optical Media Board na pinangungunahan ni Edu Manzano. Napagkasunduan nilang dagdagan ang enforcement group at dalasan ang pagre-raid sa mga namimirata ng DVD na totoo namang malaking problema sa industriya ng pelikula at television. Narinig marahil ni Sec. Puno ang panawagan noon ni Edu na kailangan niya ng mas malaking reenforcement, lalo na sa gobyerno, ‘pagka’t malakas ang kalaban at maliit lang ang puwersa niya para masugpo ang lahat ng kailangan sugpuin.
Ilang beses na siyang nasubo sa tiyak na kamatayan. Pati ang mga tauhan niya, pinoprotektahan niya. Sa tulong ni Sec. Puno, kahit paano ay makakagalaw nang husto ang Optical Media Bord.
May soft spot talaga si Sec. Puno sa mga artista ng pelikula at TV, kung kaya’t nag-facilitate siya ng pagkakaroon ng drugtest sa mga ito noong Feb. 12, 2009. Tuwang-tuwa siya sa naging resulta nito.
Kailangan sigurong malaman din ni Sec. Puno na positibo rin ang dating niya sa mga kausap nang hapong iyon sa Annabel’s resto. Bilang experienced public official, sapat-sapat ang kanyang kalidad para maging bise-presidente ng bansa. Ang 35 taong karanasan niya sa paglilingkod sa bayan ay tumatak na sa isip ng mga tao. Hindi lang siya dedicated official, kundi, nababanaagan na ng pag-asa para tayo umunlad kahit paano. Sana nga, dumalas pa ang kanyang pakikipag-dialogue sa atin para ma-guide tayo at makatulong sa kanyang adhikain.
BULL Chit!
by Chit Ramos