NAPAPABALITANG TULOY na ang pagtakbo ni Luis Manzano bilang mayor ng Lipa City. Ang kanyang inang si Vilma Santos na dating alkalde ng nasabing lungsod at ngayo’y gobernador ng Batangas, hindi naman daw ini-encourage o dini-discourage ito.
“It all started… siya po ang hinilingan,” sabi nga ng Star For All Seasons.
“Hindi nagkusa ang anak ko. Maybe because siyam na taon din akong nagsilbi sa Lipa at sinabi nila na… mayor kung aalis ka sana ‘yong papalit sa ‘yo ay ‘yong malapit din sa iyo. That’s why they thought of Lucky. And one thing also that I have learned, kapag pumasok ka sa public service, dapat bukas iyon, e. It should come from the heart.”
Tatlong taon na naglingkod si Vilma bilang mayor ng Lipa. At nasa ikatlong term na rin siya bilang governor ng Batangas.
Maganda naman ang itinakbo ng kanyang panunungkulan bilang isangt public servant. Pero hindi rin maiiwasang may mga nag-iisip nang hindi maganda.
Halimbawa na lang, tungkol sa SALN (Statement Of Assets And Liabilities Networth) ng asawa niyang si Senator Ralph Recto. Noong 1992 ay nasa P5.2 million lamang ito, pero lumobo at naging P496 million noong 2013.
“Ako naman po ay siyam na taon pa lang, nagtatrabaho na. Meron din naman po ako kahit papa’no na kabuhayan at sariling ipon na pera. So, kung pagsasamahin po ninyo ‘yong aming mga income e, puwedeng lumaki nang ganyan.”
December, 1992 nang ikasal sila ni Senator Ralph. That time ay Congressman ito at P5 million ang nakadeklarang SALN.
Naging P6 million ito noong 1993, P9 million noong 1996. Pero noong 1998 naging P211 million na.
Ayon kay Vilma, ito ang panahong naging mayor siya ng Lipa City at nagkaroon na sila ng joint assets and liabilities ni Senator Ralph. Mas mayaman siya kesa sa husband niya talaga?
“Ang pangit pakinggan!” natawang reaksiyon ng Star For All Seasons sa sinasabi ngang mas marami siyang pera kesa sa kanyang asawa.
“Meron din naman pong ibang mga business na pinalalakad si Ralph. And at the same time, modesty aside po, meron din naman akong sarili kong pera. So, ‘yong income ko sa pag-aartista, ‘yong suweldo ko… at saka si Ralph po may stocks po siya. At least nagiging honest siya para ilabas namin ‘yong totoo riyan. Kesa itinatago namin… nagiging issue rin ang mga ‘yan.”
Sinasabi na siya raw ang pinakamayaman among the 81 governors sa buong bansa sa ngayon?
“Ako ba?” bahagyang natawang tanong din ng aktres. “Ay, pinaghirapan ko naman po ‘yan. Sa totoo lang po. At saka sa amin pong mga artista, lalo na kapag umabot ka do’n sa level na after so many years na blood, sweat, and tears na pinaghirapan mo at dumating ka sa level na you can demand, in a day work… ayokong magyabang kasi, e. Kahit na po ‘yong let’s say two days work, uhm… anim na zero na po ‘yon. Kapag inipon mo ‘yon at hinawakan mo nang maayos ang pera mo, e posible ka namang umabot sa gano’n.”
Sa joint assets and liabilities nila ni Senator Ralph, malaking bahagi talaga nito ay sa kanya. Pero hindi nga maiaalis na may mag-isip na baka may galing din sa kurakot?
“Alam n’yo po, mahirap ding magmalinis. Again if I may reiterate… I am not saying we are saints, but definitely we are not devils. So, mahirap pong magbuhat ng sariling bangko. Pero one thing I can brag about is… to the last centavo especially in my case and I know my husband, palagay ko ay pinaghirapan po at trinabaho po namin nang maayos.”
May mga naiintriga rin sa sinasabing dalawangt dollar accounts niya. Pero klaro ang naging paliwanag ni Vilma hinggil dito.
“Kahit noon kapag kumikita ako, talagang right away kapag meron na akong income, magpapapalit agad ako ng dolyares. Oo. Kasi ang feeling ko… for safety nets ko ‘yon. ‘Di ba? Kasi ‘yong interes pa lang niya, malaki na. Inihinto ko lang po ‘yan no’ng naging public servant ako. Kasi sinabi sa akin ni Ralph… alam mo ba Vi na ‘yang laki ng pera mo na ‘yan kapag ipinagpapalit mo ng dolyares, pinahihirapan mo ang ekonomiya ng Pilipinas!” natawang kuwento pa niya.
“Na-guilty ako! Hahaha! When I learned na isa sa nagpapahirap ‘yon sa Pilipinas at sa ekonomiya natin, no’ng naging public servant ako… huwag na lang. Hayaan na lang ‘yong peso na umikot sa atin,” sabi pa ni Vilma.
Rubbing Elbows
by Ruben Marasigan