HINDI NA KAMI magbabanggit ng pangalan, ha? Alam n’yo na siguro kung sinu-sino ang tinutukoy. Pero may bonggang pagtataka lang kami.
Ba’t gano’n? Ayaw talagang tumigil ng iba at ipipilit nilang bakla si Actor A, si Actor B at kung sinu-sino pa?
Ano ‘yan? Hangga’t hindi umaamin, hindi nila tatantanan ‘yung mga aktor? Nai-blind item na, pinangalanan pa ng iba, so ano pa? Gusto, sa sarili pang bibig ng mga aktor manggagaling ang mga salitang, “Opo, bakla po ako!”
Hayaan na natin sila. As long as hindi ka naman inaano nu’ng mga aktor at nagtatrabaho lang naman sila, eh ano’ng problema mo, ‘di ba?
Porke hindi ka bakla at naaamoy mong bakla ang ilang aktor, hindi ka na titigil? Ano ‘yan? Nakakatulog ka ba sa gabi?
Eh, sa totoo lang, ‘yung iba nga, kahit bina-blind item pa nilang bakla si Actor A at Actor B, gusto pa rin naman nilang hadahin ang mga aktor na ito.
‘Di ba? So ano ‘to? Inggit? Porke hindi ka biniyayaan ng ganu’ng mukha at ganu’n katipunong katawan, pababagsakin mo na sila na nagtatrabaho lang naman at hindi ka naman ginagawan ng kasalanan?
Hay, nako… ‘yun na lang ang nasabi ko. Tigilan na ang crab mentality. Level up na tayo.
Hindi porke mataray ka’t dapat kang katakutan, eh kailangang maglumuhod sa inyo itong mga ibina-blind item n’yo.
Oo naman, nagba-blind item din kami, pero “level up” na ang pagba-blind item ngayon dapat. At alam nila kung ano ang ibig naming sabihin.
Tingin muna sa salamin.
SA MGA NAG-AALALA sa kalagayan ngayon ni Ate Vi, hindi po totoo ang kumalat sa text na siya’y in-ambush kahapon ng umaga. Ang totoong in-ambush ay ang assistant ng executive secretary niya.
At ito talaga ang target at hindi siya.
Kaya nga nag-BBM kami kay Ate Vi na siya’y mag-iingat nang husto dahil alam n’yo naman ang puntirya ng masasamang loob, ‘yung mga taong matitino at mabubuti.
KELAN KAYA UUWI rito si Maria Aragon? Ang batang instant sikat, dahil sa sobrang idol si Lady Gaga, kaya sinimulan ang “krusada” para mapansin ni Lady Gaga sa pag-a-upload sa YouTube ng mga recordings nito.
Ayan, successful si Maria at napansin talaga siya ni Lady Gaga at natupad na rin ang wish niyang magkita sila’t magka-duweto. Taray, ‘no?
Pag-uwi talaga niyan, sobrang tight hug ang ibibigay namin sa kanya bilang tanda ng sobrang proud namin sa kanya.
TINITIRA ANG HAPPY, Yipee, Yehey! ngayon, dahil daw sinalo ang SexBomb at ibinalik ang “Pera O Bayong”.
Ano’ng problema ng mga taong ito? Palalain ba ang problema, eh hawak naman nila ang remote control ng TV nila at puwede naman nilang ilipat sa ibang channel ang pinanonood nila?
‘Kalokah, ‘di ba? Hindi bale sana kung constructive ang tira ng iba. ‘Yung iba, gusto pang pagpahingahin ang show, dahil wala naman daw kuwenta.
Hindi naman overnight success ang natatamo ng isang produkto o show, eh. It will take time para makuha ang pulso ng masa.
So, ‘wag mainip. ‘Pag nainip, talo.
Kung walang magawa, basahin ang aming mga emote sa http://www.ogiediaz.blogspot.com at puwede n’yo rin kaming i-follow sa twitter @ogiediaz.
Oh My G!
by Ogie Diaz