PAREHO NAMANG MGA propesyunal na tao rito sa showbiz sina Kuya Boy Abunda at Kuya Ed Instrella, kaya sa hindi nila pagkakaunawaan ngayon, pareho ang kanilang katuwiran na sa pagkakaayos din mapupunta ang lahat. Nag-ugat ang lahat sa ginawang panayam ni Kuya Boy kay Baron Geisler sa The Buzz dalawang linggo na ang nakalilipas. Ang interbyu ay tungkol sa kontrobersiyal na mga kaso ng reklamo sa magaling na actor, lalo na ‘yung tungkol sa usapin ng diumano’y pambabastos sa kanyang co-star sa teleseryeng Noah na si Cherry Pie Picache.
Si Kuya Ed Instrella ang ta-lent manager ni Cherry Pie. Si Kuya Boy naman, lalo na kung nasa studio kayo ng kanyang mga programa, lagi naman siyang ma-puso sa mga artistang kanyang iniinterbyu. Lalo pa nga kay Baron, na malapit din sa puso ni Abunda, at isa siya sa mga nalulungkot sa nangyayari sa masalimuot na takbo ng buhay ng actor, dahil naroon ang kanyang panghihinayang kung bakit laging nasasangkot sa gusot ang mahusay pa naman sanang actor. Du’n pumapasok ang kanyang awa kay Baron, na sa paningin nga ng mga televiewers ay halatang-halata raw kay Kuya Boy habang nagaganap ang kanilang panayam.
Tungkol naman kay Cherry Pie, talaga namang bukas ang The Buzz at ang marami pang programa sa telebisyon para madinig ang kanyang panig. Pero nasa desisyon nga ni Pie na hindi na lang magpainterbyu, dahil ang iniisip niya ay ang mararamdaman ng kanyang anak kung magsalita pa siya. Nang magkausap naman kami ni Kuya Ed sa cellphone nang tawagan niya ako, wala naman siyang nabanggit na hinanakit kay Kuya Boy, bagkus ay nauunawaan naman na daw niya si Kuya Boy sa kanyang trabaho bilang TV host. Dagdag pa ni Kuya Ed, hanggang ngayon daw ay malungkot pa rin at nasasaktan si Pie tungkol sa kontrobersiyang nangyari.
TALAGANG HARANGAN MAN ng sibat ay hindi na magpapaawat ang TV5 sa kanilang pagpapabongga sa larangan ng telebisyon. Kapag pumasyal ka ngayon sa kanilang istasyon sa Novaliches, masaya na ang kanilang mga tauhan, lalo na tungkol sa planong magtatayo na sila ng TV station sa isang lugar d’yan sa may Pioneer, Mandaluyong. Napakarami ring naglalakihang mga artista sa showbiz ang nakatakdang lumipat sa Kapatid network.
Kalat na kalat ngayon ang balitang mayroon daw napakagandang offer ang TV5 para kay Governor Vilma Santos-Recto para magkaroon ng programa sa telebisyon. Nabanggit na rin kasi noon ng Star for all Seasons na gusto rin niya ulit na masubukang magkaroon ng TV show. Ayaw pang magsalita ng kampo ng premyadong aktres ganu’n din ng kampo ni Mr. Manny Pangilinan tungkol sa posibilidad na maging Kapatid na rin ang mommy ni Luis Manzano.
Kung talagang totoo na kinausap na raw ni Mr. Manny Pangilinan si Governor Vi, ang dapat na lang sigurong maging maayos ay kung totoong may kontrata pa si Ate Vi sa ABS-CBN. Sa pananahimik naman ng mga bossing nga-yon ng Singko tungkol sa isyu nila ni Ate Vi, inaasahan na ‘yan. Hindi rin naman kasi sila maingay nu’ng pinag-uusapang sa kanila lilipat sina Willie Revillame, Mang Dolphy, Maricel Soriano at ngayon ay nasa kanila na rin si Miss Susan Roces. ‘Di ba naman? Magugulat daw talaga ang buong showbiz sa dami ng mga magiging Kapatid.
NAKIKIRAMAY PO KAMI sa pagyao ng aming dating butihing editor sa Controversial Magazine na si Mr. Andy Beltran na isa ring dating nobelista sa Komiks. Bilang isang baguhang writer noon, nang magsimula akong magsulat sa Graphic Arts Service, Inc. (GASI) ay si Mr. Beltran ang kauna-unahan kong naging Editor. Bilang paglalarawan, si Kuya Andy ay simpleng tao, very supportive siya sa mga baguhang manunulat at nakikinig sa mga kuwentong personal na problema sa buhay ng kanyang mga kolumnista.
Maluwalhating paglalakbay, Kuya Andy!
ChorBA!
by Melchor Bautista