Gov. Vilma Santos, may laban sa Cinemalaya

LIMANG MALALAKING pelikula para sa Director’s Showcase ang kalahok sa Cinemalaya 2013 na magsisimula na sa Hulyo 26 at magtatapos sa pangalawang linggo ng Agosto. Main event ang Director’s Showcase dahil pawang mga batikang direktor ang maglalaban-laban mula sa best picture, best director, best actress at best actor at iba pang kategorya sa paggawa ng pelikula.

Sina Gil Portes para sa Liars, Amor Y Muerte ni Cesar Evangelista, Ekstra/The Bit Player ni Jeffrey Jeturian, Porno ni Adolfo Alix, Jr., at ang Sana Dati mula kay Jerold Tarog ang mga kalahok. Napili sila mula sa libu-libong nag-submit ng script mula sa lipon ng mga batikan nating direktor.

Mula naman sa New Breed category, 10 ang nakapasok at mula naman ito sa bagong filmMakers ng bansa. Namamayagpag na sa iba’t ibang bansa ang mga pelikulang nakasali last year habang ang iba’y nabigyan pa ng maraming parangal gaya ng Bwakaw ni direk Jun Lana starring Eddie Garcia.

Exciting din ang labanan para sa best actress. Kahit sinasabing “wrong project”  ay baka kay Gov. Vilma Santos na bida sa Ekstra na ibigay ang award. Siyempre, malaking artista siya at bago sa indie film scene.

Sey naman nu’ng nakausap namin na may malaking kinalaman sa pagpili, ang mga hurado raw ng Cinemalaya ay hindi tumitingin sa laki ng artista kundi sa mahusay na pagganap nito base sa ibinigay na role at sa ganda ng istorya kasama ang mahusay na direksyon.

Sa bandang iyan, may laban sina Althea Vega (Amor Y Muerte), Allesandra de Rossi (Liars), Lovi Poe (Sana Dati) at si Angel Aquino na marami raw gugulatin bilang isang transvestite sa pelikulang Porno.

Isang direktor naman ang nakausap namin at sinasabing “exciting” at “very interesting” ang salpukan sa best actress.

Ang Burgos ang magsisilbing closing film ng Cinemalaya 2013 na pinangungunahan ni Lorna Tolentino at Rocco Nacino sa direksyon ni Joel Lamangan.

Ika-9 na taon na ito ng Cinemalaya sa pagbibigay sa atin ng malalaki at magagandang “alternative cinema” na maipagmamalaki hindi lang dito sa atin kundi maging sa ibang bansa. Inaabangan na ito ng lahat kung saan ipapalabas na rin sa Greenbelt Cinema, Trinoma at sa CCP.

RAP EN ROL
By Ronald M. Rafer

Previous articleSen. Bong Revilla, umalma sa pagkakadawit sa pork barrel scam
Next articleLovi Poe, bahagi pa rin daw ng buhay niya si Cong. Ronald Singson

No posts to display