KAHIT LAGING sinasabi ni Batangas Governor Vilma Santos Recto na sinasabi na okey sa kanya si Jennylyn Mercado bilang girlfriend ng anak niyang si Luis Manzano, may mga nag-iisip pa rin na baka hindi naman siya talagang boto rito. At natawa lang ang Star For All Seasons nang mahingan namin ng reaksiyon tungkol dito.
“A… wala sa bokabularyo ko ‘yong boto-boto,” aniya. “Dahil hindi ako ang makikisama. Kahit sino pa siya, kapag ginusto siya ng anak ko, at masaya ang anak ko sa kanya… wala sa akin ‘yong boto-boto. I will go all the way kung saan masaya ang anak ko.”
Aprub na rin ba sa kanya kung sakaling magpapakasal na rin sina Jennylyn at Luis?
“Hindi ako ang magdidesisyon no’n. Ayokong makialam!” sabay tawa ni Vilma.
Pero paano kung isang araw na lang ay magsabi o magpaalam sa kanya si Luis na mag-aasawa na nga ito?
“Naku… nanay ko ‘Day! Ha-ha-ha! A… naku, mature na ‘yong anak ko para magdesisyon sa buhay niya. Ang akin lang… hindi ko ma-imagine kapag nando’n na siya sa simbahan. Baka humahagulgol ako! Ha-ha-ha! Pero… wala. Okey lang. He’s old enough to decide for himself. At kung saan liligaya ang anak ko, do’n ako. Basta ang alam ko, masaya sila.”
Wala pa kahit pahapyaw na paramdam si Luis na parang gusto na nitong mag-asawa?
“Wala pa. Ewan ko sa kanila ni Jen, pero ang pinaka-importante ngayon, nakikita kong masaya sila. And I’m happy for them. And… Jen naman is a nice lady, e. A… very respectful. Hindi kasi ako pupuwedeng isang tao na mapanghusga. Dahil ang buhay ko rin naman, hindi diretso, e. You get me? Marami ring taong umunawa sa akin that’s why I’m here. Hindi naman lahat ng buhay ko maganda rin, a! ‘Di ba? May mga palpak din akong nagawa. Pero, how come I have a good life now? Kasi may mga taong tumanggap din sa akin. And gano’n din ang tingin ko sa ibang tao. Hindi ako puwedeng manghusga.”
Sa gano’ng mga nasabi niya, parang ang dating, ang sarap pala niyang maging biyenan. At suwerte sa kanya si Jennylyn kung saka-sakali.
“Liberal akong tao. Hindi kasi nga ako nakikialam. Maaari akong makulit. Makulit akong nanay kasi… lagi akong nagti-text… anak nasaan ka? ‘Yon lang na malaman ko kung nasaan ang anak ko at kung okey, that’s good enough. Pero ‘yong pakialamera… ‘no. Because I don’t meddle sa mga personal. Kung one day sasabihin nga ni Luis sa akin na mag-aasawa na siya… okey lang sa akin. Oo naman! Hindi ko lang alam kapag nakita ko na sa aisle! Ha-ha-ha-ha! Kasi uma-attend ako ng wedding ng iba, ‘di ba? Kung sa iba naiiyak ako lalo na kapag close sa akin… tapos nakikita ko lumalakad na ‘yong bride, naiiyak ako. Diyos ko! How much more kapag anak ko na ‘yong makikita ko na… ayyyy! Ha-ha-ha! Pero happy, huh! Hindi kontrabida. Happy.”
Sinasabi nga niya, liberal siya. Is she the type na puwede ring i-tolerate sakaling pakikipag-live-in muna imbes na pagpapakasal ang gusto ng kanyang anak?
“Alam mo, iba na ang generation ngayon, e. We are not saying it’s right. Pero maraming gumagawa. You get me? And hindi naman natin masasabi na tama ‘yon or mali ‘yon. Kung minsan nakakatulong ‘yon para makilala mo ‘yong tao. So, wala. Kung ano ang sa tingin mo ay makabubuti sa ‘yo at wala kang inaapakan, then go. Go ka. Ako ang isang natutunan ko rin kasi sa tagal-tagal ko na sa showbusiness, kapag lagi mong iniisip, ano ang sasabihin ng tao? Naku… wala! Hindi ka magiging masaya.
“Basta gawin mo ‘yong gusto mong gawin. Matapang ka na… kasi wala naman akong tinapakan sa inyo, e. Wala akong inisahan. Ginawa ko ito sa sarili ko, wala akong sinaktan. So, do’n ako tumatapang. Pero ‘yong lagi mong iisipin, ano kaya ang sasabihin nila? Naku, wala kang pupuntahan. Because you cannot be perfect naman, e. ‘Di ba? Ang importante lang, matuto ka. And at the end of the day, dapat kung tumatanda ka, may pinagkakantandaan ka naman.”
Oo nga!
Rubbing Elbows
by Ruben Marasigan