NAG-IINGAT DIN naman si Kris Aquino sa mga panahong ito para sumabak sa mga intriga. Hindi naman kasi totoo na dahil pangulo ng Pilipinas ang kanyang kapatid na si P-Noy at laging napag-uusapan tungkol sa mga kontrobersiya sa ating bansa ay makikipagkumpitensiya si Tetay para siya ay mapag-usapan. Kasi nga, alam naman ng mommy ni Baby James na sa oras na bumuka ang kanyang bibig para buksan niya ang isang isyu ay hindi rin maiiwasan na siya ay mapag-usapan.
Lagi namang ganu’n si Kris. Na kapag laging laman ng d’yaryo at mga balita ang sikat niyang mga magulang at ngayon nga ay si Pinoy, ay iniiwasan na niya hangga’t maaari na maging maingay pa ang isyu tungkol sa kanya. Kaya nga sa ngayon, habang kaliwa’t kanan ang isyu tungkol sa utol niyang Presidente ng ‘Pinas ay mas tinutukan muna ni Tetay ang tungkol sa kanyang programang Kris TV sa ABS-CBN, ganu’n na rin ang pagbibida niya sa pelikulang Segunda Mano ng Star Cinema.
Ipinagmamalaki ni Kris na may bago na naman daw aabangan sa bago niyang movie kung saan leading man niya si Dingdong Dantes. Kung ano raw ang mga nagustuhan ng masa sa mga horror movies na dati na niyang ginawa at pumatok sa takilya, ay tripleng pinaganda at hinaluan ng maraming eksena ng katatakutan ang latest movie niya. “Bongga ito sa ganda, kaya hindi na kailangang ma-link kami ni Dingdong, dahil alam naman ng mundo na mayroon siyang Marian Rivera, at mahal si Dong ng aming pamilya,” tsika ni Tetay.
ISA KAMI sa mga naimbitahang press nu’ng December 7 sa Calaca, Batangas dahil sa paanyaya ni Governor Vilma Santos-Recto kaugnay ng pagdiriwang ng Foundation Day ng nasabing Lalawigan. Pero hindi po kami kasama sa mga nakaranas ng kahigpitan at kalituhan na nagresulta ng kung ano-anong kontrobersiya doon na may kinalaman sa security. Ipinarating na kasi ng Mommy ni Luis Manzano, na dapat ay dumating na kami sa munisipyo ng Calaca nang mas maaga, para raw makapag-dinner muna kami.
Dumating kami sa Calaca, mga bandang alas-kuwatro ng hapon. Sarado na talaga ang mga daanan ng sasakyan papasok ng munisipyo, kaya sa public market nila kami dumaan, dahil malapit iyon sa malaking entablado na pagdarausan ng mga programa nang gabing iyon. Sa harap ng entablado, nakita ko ang isang babaeng staff ni Ate Vi, kaya kinawayan ko siya, at in fairness ay sinamahan niya akong makapasok sa loob ng munisipyo, sa isang kuwarto kung saan magtitipon-tipon muna ang mga inimbitang press. Mayroon nang nakahandang pagkain, kaya pinakain na kami kaagad nang dumating na rin ang kasamahan sa panulat na si Tony Gonzales.
In fairness sa staff ni Ate Vi ay talagang sobra nila kaming inasikaso. Pero nu’ng gumabi na at magsidatingan na ang mga inimbitahang artista ay nagsimula na ring dumumog ang maraming tao, kaya lalong naghigpit na talaga ang security lalo na sa pagpapapasok ng mga bisita sa munisipyo. Hindi kami ipinagtabuyan doon para umalis. Hindi rin alam ni Ate Vi ang puno’t dulo ng mga pangyayari tungkol sa mga hindi pagkakaunawaan. Pero dahil na rin sa kahigpitan, may kasamahan kami sa panulat na naitulak at inutusang hindi siya dapat lumugar sa harap ng stage, na siyempre pa’y ikinainsulto ng nasabing manunulat.
ChorBA!
by Melchor Bautista