ILANG ARAW pa lang makalipas ang pagtatapos n’yo sa sekondarya o sa kolehiyo, malamang sa malamang samu’t saring pakiramdam na ang nararanasan n’yo ngayon. Para sa mga Class of 2014 diyan, naaalala n’yo pa ba ang mga panahon kung kailan gusto mo na matapos ang pasukan at gumraduate agad?
Pero ngayon na sumapit na ang tamang panahon sa pag-graduate, tila bang hirap na hirap ka nang i-let go ang mga nakasanayan mo sa paaralan? Hindi ko naman kayo papaiyakin pero hayaan n’yo kong magkaroon ng #FlashbackFriday ngayon.
Anu-ano nga ba ang mami-miss mo ngayong graduate ka na?
Siyempre unang-una diyan ay ang kakaibang pakiramdam kapag unang araw ng pasukan. “First day high” nga kung tawagin. Ang iba sa inyo ay kabado dahil panibagong yugto na naman sa buhay ang mangyayari. Maiisip n’yo na mas hihirap ang mga aralin dahil tumaas na naman ang iyong antas na kinabibilangan. Ang iba naman ay marahil sabik na sabik! Ito ay sa kadahilanan na bago ang mga sapatos, bag, at kung anu-ano pang kagamitan sa eskwela. Nananabik din silang makita muli ang mga kaibigan at makakilala ng bagong kaibigan.
Mami-miss n’yo rin ang pag-doodle o ang pag-drawing ng kung anu-ano sa likod ng inyong mga notebook kapag walang tigil na naman na nagkukuwento ang mga boring n’yong guro! Kadalasan nga, mas marami pa ang mga larawang iginuhit kaysa sa notes mula sa mga lesson ng guro.
Hindi rin mawawala sa listahan ang mga bumabahang luha sa tuwing magbibigay ng mahihirap na takdang aralin ang mga guro. Lalo na kapag araw ng Biyernes dahil imbes na TGIF o “Thank God It’s Friday” na sana, hindi mo puwedeng ma-enjoy ang Sabado at Linggo dahil makukulong ka sa bahay kagagawa ng mga takdang aralin at proyekto.
Hinding-hindi mo rin puwedeng hindi ma-miss ang mga pagkakataon na kayo ay nakatitig sa mga orasan ng bawat sulok ng silid-aralan at naghihintay ng tunog ng bell. Kahit anong klaseng tunog ng bell: bell man kapag break time o bell man kapag uwian na. Basta, huwag lang bell kapag umaga dahil tunog ito na simula na naman ang mahabang araw sa klase.
Kahit sawang-sawa ka na sa uniform mo. At minsan mo na ring sinubukang mag-civilian sa klase kahit bawal. Huwag n’yong itatanggi na hindi mo mami-miss ang pagsuot niyan. Dahil aminin mo man o hindi, matapos ang ilang araw ng inyong graduation, hahanap-hanapin mo ang uniform n’yo na numipis na at lumambot na ang mga tela dahil sa araw-araw na pagsuot.
Kulang pa ang mga nabanggit ko, pero panigurado ako ito ang pinakamami-miss n’yo sa lahat: Ang mga taong kumumpleto ng apat na taon mo sa sekondarya at sa kolehiyo. Kasama na riyan ang mga maaalalahanin na mga guro na pati ang love life ng estudyante nila ay pinakikialaman at ang pagkakaibigan na nabuo mula sa inyong barkada na natagpuan. Ang barkada na kasa-kasama mula kasiyahan, kalungkutan at maging sa kalokohan ay nariyan at laging present.
Kay bilis ngang lumipas ng panahon. Pero hindi ibig sabihin na riyan na natatapos ang lahat ng iyan. Sabi nga nila, ang graduation ay hindi pagtatapos. Kundi ito ay isang pagbubukas ng bagong simulain.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo